MAGING WAIS SA POSISYON

INIHAYAG ni US maritime security analyst Ray Powell na namataan kamakailan  malapit sa Luzon ang monster ship ng China Coast Guard.

Sa kanyang komento, gumamit si Powell ng salitang “intrusive patrol’ na makapag-uudyok ng negatibong damdamin sa Pinoy.

Maaring pagmamalasakit ang paghahatid ng impormasyon ng American analyst sa mga Pinoy.

Subalit, tandaan na matagal at paulit-ulit nang isyu ang pambu-bully ng China sa Filipino dahil sa usapin ng agawan sa West Philippine Sea.

Halos tuloy-tuloy ang mga diplomatic protest ng Pilipinas laban sa China dahil sa mga pangha-harass sa mga barko ng Pilipinas sa nakalipas.

Hanggang ngayon, pagti­timpi at diplomasiya ang tanging hakbang ng Pilipinas, na tama lang.

Hindi dahil duda sa kakayahan ng gobyerno na labanan ang China kundi dahil kaya pa rin panatilihin ang kapayapaan ang pag disposisyon at hindi nadadala sa udyok o pain na maging agresibo.