OPISYAL nang nagpalabas ng pahayag ang Century Park Hotel tungkol sa mga reklamo na pinakawalan sa social media ng mga dayuhang atleta tungkol sa kanilang room accommodation at iba pa.
Hindi naman pala pinabayaan ng hotel ang mga manlalaro dahil alas-2 naman talaga ng hapon ang standard check in time. Nagkataon lang na napaaga ang dating ng mga atleta. Gayunpaman, 8:30 pa lang ng umaga ay nabigyan na ng kuwarto ang ibang mga manlalaro at ang iba naman ay inistima sa holding area at doon sinilbihan ng pagkain.
Sa nakaraang dalawang araw, sa buong 77 arrivals ng mga atleta mula sa ibang bansa, nagkaroon man ng problema ang ibang delegado, hindi naman ibig sabihin nito na palpak na ang buong paghahanda sa 30th Southeast Asian Games.
Hindi gawang biro ang mag-host ng mga malakihang international sports events at sinumang eksperto ang tanungin ay sasabihing normal ang mga ganitong pangyayari at hindi maiiwasan ang mga aberyang ganito, kung aberya man itong matatawag.
Sa harap ng mga lumalabas na balita tungkol sa preparasyon sa SEA Games, panawagan natin sa ating mga kababayan na magkaisa para suportahan ang ating mga atleta na sasabak sa kumpetisyon sa susunod na linggo.
Huwag nating kalimutan na dangal ng ating bayan ang dadalhin ng bawat atletang Pinoy sa kanilang pagsabak sa palaro upang maibulsa ang overall champion sa SEA Games.
At panawagan sa ating mga kababayan na maghinay-hinay sa pagbibigay ng mga komento at opinyon hanggang hindi pa naririnig o nalalaman ang buong kuwento o ang kabilang panig. Huwag nating ibaon ang sarili nating bansa.
Ang pagdaraos ng 30th SEA games ay karangalan ng buong bayan. Karangalan na nadama natin noong huli tayong magdaos ng SEA Games noong 2005. Huwag na nating palakihin ang mga maliliit na bagay kagaya ng mga paulit-ulit na reklamo sa pagkain at kung ilang bote ng tubig ang dapat na ibigay sa mga atleta sa loob ng isang araw. Nasosolusyunan nang mabilis ang ganitong mga problema.
Sa halip na magbatikusan tayong lahat, ituon na lamang natin ang ating atensiyon sa pagpalakpak sa ating mga manlalaro kahit anuman ang kanilang kahinatnan.
Ang sabi nga, “We Win As One!”