NANAWAGAN si Environment Secretary Roy Cimatu sa lahat ng eksperto at mananaliksik sa Asia-Pacific Region na magkaisa upang makabuo ng solusyon na makapipigil sa negatibong epekto ng Invasive Alien Species (IAS) sa biodiversity at sa kapaligiran.
Ito ang naging hiling ni Cimatu sa harap ng mga delegado sa International Conference sa IAS management na ginanap sa Maynila kamakailan.
“I stand firm in promoting convergence of our research and development (R&D) efforts for a sustainable region-wide management of (IAS),” saad ni Cimatu
Sa tatlong araw na pagtitipon na tinawag na “IAS Conference 2019” ay nagtipon ang mga eksperto, mananaliksik, dialogue partners, environmental managers at iba pang stakeholders mula sa Asia-Pacific region.
Sa kanyang pangunahing talumpati na binasa ni DENR OIC Assistant Secretary for Staff Bureaus at Biodiversity Management Bureau (BMB) Director Ricardo Calderon, idiniin ni Cimatu ang pangangailangan ng sama-samang pagsisikap upang mabigyan ng solusyon ang IAS na sumasalakay at sumisira sa “nature’s ecological balance.”
Ang IAS ay maaring halaman, hayop, pathogens at organismo na hindi nagmula sa isang ecosystem at maaring magdulot ng pinsala sa ekonomiya, kapaligiran at kalusugan ng mga tao.
Ayon sa International Union for Conservation of Nature, ang IAS ay species na mabilis na dumadami mula sa kanilang pinanggalingang lugar at nagbibigay ng panganib sa biological diversity. Ito rin ang pangalawa sa mga dahilan ng biodiversity loss sa buong mundo kasunod lamang ng habitat destruction.
Maliban sa Antartica at glaciated Greenland, 17 porsiyento ng kalupaan sa buong mundo ang sinasakop na ng IAS.
Sa agrikultura, ang IAS ay ang mga tinatawag na non-indigenous weeds, pest, insects at iba pa na sumisira sa mga pananim at alagang hayop.
Para naman sa freshwater environment, ang kilalang “invasive species” ay ang carp na nagmula sa Europe na matatagpuan na ngayon sa halos lahat ng sulok ng mundo. Ang “alien invader” na ito ang tinaguriang pinaka“invasive in the world” na nakasisira sa marine life.
Sa Filipinas, ang kinikilalang IAS naman ay ang American bullfrog at ang golden apple snail o mas kilala sa tawag na golden kuhol. Ang mga ito ay nagiging dahilan ng pagkaubos ng indigenous species sa kanilang natural habitat. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.