NAKATUON ngayon ang pansin ng buong daigdig sa Pilipinas para sa pagsisimula ng pinakapamosong torneo ng basketbol sa buong mundo sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan, na kayang tumanggap ng 55,000 na manonood.
Aabot sa 34 na koponan mula sa ganoong karami ring bansa ang lalahok para iuwi ang prestihiyosong Naismith Trophy ng FIBA World Cup.
Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng FIBA World Cup, gagawin ito ngayong taon sa tatlong bansa — dito sa Pilipinas, na siyang main host, sa Japan at Indonesia. Pero hindi ito ang unang pagkakataon na magaganap ito sa Pilipinas.
Kahit na kahati natin ang Japan at Indonesia para ganapin ang torneo rito sa Asya, ang mga unang laban lamang ng mga koponan ang gagawin sa tatlong bansa. Ang mga final round, mula sa quarterfinal hanggang sa kampeonato ay magaganap lahat sa Pilipinas.
Ngayong gabi ang pinakaaabangan na paghaharap ng Gilas Pilipinas at Dominican Republic sa Philippine Arena, samantalang ang ibang mga laro ay gagawin naman sa Araneta Coliseum. Ang mga susunod na laro ay idadaos sa Mall of Asia mula bukas hanggang Setyembre 10.
“Everybody is ready to go. I’m hoping the best World Cup ever for FIBA in terms of not only showing the world that we can host a global event like this, but really the hospitality of the Filipino people, the smiles and generosity of our people. I’m sure they can feel that,” sabi ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) presidente Al S. Panlilio nitong nakaraang linggo lamang sa isang special edisyon ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Meralco Conference Hall.
Malaki rin ang kumpiyansa ng FIBA executive director na si David Crocker na kayang mag-organisa ng isang matagumpay na 2023 FIBA World Cup ang ating bansa.
Napahanga nga si Crocker sa matinding suporta ng iba’t-ibang sektor para masiguro ang tagumpay at mahusay na pagdadaos ng pinakamalaking torneo ng basketabol sa buong mundo.
“I think one of the real strong bases is the whole of government support, the heads of the department meeting regularly to help the SBP, and the organization committed to understand what are the pressure points and where the government (could) help and support, what will make things work,” sambit ni Crocker sa guest appearance niya sa radyo sa programang Power and Play ng dating PBA Commissioner na si Noli Eala.
Pagkatapos ng humigit sa 4 na dekada, na kung saan dito sa Pilipinas ginawa ang 1978 na torneo na kilala pa noon bilang ‘FIBA World Championship’, at ginanap sa loob ng dalawang linggo mula Oktubre 1-14. Bukod dito, ang Pilipinas din ang kauna-unahang bansa na kung saan ginanap ang FIBA World Cup.
Ang 1978 World Cup noon ay ginawa sa Rizal Memorial Coliseum at Araneta Coliseum.
Magmula pa nang unang ganapin ang FIBA World Cup, paiba-iba ang dami ng koponan na lumalahok. Nagsimula ito sa 10 koponan lamang at sa tagal ng panahon umabot na ito sa pinakamaraming koponan na lumahok noong 2019 na umabot na sa 32.
Isang rekord ang tatangkaing burahin ng bansa sa pagdaraos ng World Cup dito sa bansa. Sa kasaysayan kasi ng FIBA World Cup, naitala ang pinakamaraming nanood sa laban ng Team USA laban sa Russia noong 1994 sa Toronto na umabot sa 32,616. May nagsasabi na umabot pa raw ito sa 34,000 or 35, 000.
Kahit na gaano pa karami ang kasalukuyang rekord, nais ng SBP na burahin ito sa pagsimumula mamayang gabi ng torneo sa Philippine Arena. Kayang-kaya itong burahin dahil may seating capacity ang Philippine Arena na 55,000. Nitong nga lang Enero, naitala ang isang rekord na pinakamaraming nanood sa nasabing arena na umabot sa 54,589 nang magharap sa Game 7 ng PBA Commissioner’s Cup Finals ang Barangay Ginebra at Bay Area Dragons.
Nanawagan ang SBP na magkaisa ang buong Pilipinas at pumunta sa Philippine Arena para manood ng laban ng Gilas Pilipinas at makamtan ng bansa ang bagong FIBA World Cup na rekord ng pinakamaraming taong nanood sa loob ng arena.
Ayon kay Erika Dy, ang deputy event director ng Local Organizing Committee (LOC) para sa FIBA World Cup 2023, naghanda na sila ng madaling paraan para makarating ang mga manood sa Philippine Arena.
Aabot sa 400 na bus ang gagamitin para isakay ng libre point to point ang mga manonood mula sa 12 istasyon sa Metro Manila. Para naman sa magdadala ng kanilang mga sasakyan, may libre ring parking slot sa loob ng Philippine Arena para maiwasan na ang pagbabayad ng parking tiket at hindi ma-delay ang kanilang pagpasok.
Sa loob ng nagdaang 45 na taon mula pa nang unang maganap ang FIBA World Cup noong 1978 sa Pilipinas, marami na ang nabago. Pero isa lang ang sigurado ako, lalaban ang ating nasyunal na koponan, ang Gilas Pilipinas para sa buong Pilipino at idepensa ang ating homecourt.
Kahapon inilabas na ng SBP ang 12 manlalaro na kasama sa Gilas Pilipinas na pinangungunahan nina Utah Jazz NBA player at Fil-am Jordan Clarkson, kasama sina 7-foot-3 Kai Sotto, Junmar Fajardo, Japeth Aguilar, Scottie Thompson, Dwight Ramos, AJ Edu, Jamie Malonzo., Roger Pogoy, CJ Perez, Rhez Abando at Kiefer Ravena.
Sang-ayon ako kina PBA Hall of Famer Ramon Fernandez at Francis Arnaiz ng pamosong Toyota team, na ito ang pagkakataon para magbuklod ang buong bansa. Ito ang oportunidad para magsama-sama tayo at gamitin ang ating bentahe na rito sa atin gagawin ang laban. Sa suporta ng mga Pinoy, mabibigyan natin ng inspirasyon ang Gilas Pilipinas para manalo sa mga makakalaban nila sa torneo.
Sa kolumn ni Quinito Henson ng The Philippine Star, sinabi sa kanya ni Arnaiz:
“Wala ng kulay-kulay, wala ng dilaw o pula. There’s so much divisiveness in our society. But now, we can all be red, white and blue or whatever color. Magkaisa tayong lahat for Gilas.”
Ang dagdag pa ni Arnaiz, hindi mahalaga kung manalo or matalo sa FIBA World Cup. Ang makalahok lamang sa World Cup ay maituturing ng isang malaking panalo.
“Give it your all and enjoy the moment. No pressure. Don’t think about how tough your opponents are. Let’s do what we’re supposed to do on the court and play our game,” ika pa ni Arnaiz.
Lalaban tayo sa pinakamalaking liga sa mundo. Dapat magsama-sama tayong lalaban. Labindalawa ang lalaro, isang daang milyon ang lalaban!.