MAGKAKAMAG-ANAK PINAGBABARIL NG RIDING IN TANDEM, 2 TUMBA

riding in tandem

CAGAYAN – NAGSASAGAWA na ng masusing imbestigasyon ang awtoridad kaugnay sa pagpatay sa tatlong magkakamag-anak na ikinasawi ng dalawa at ikinasugat ng isa pa sa bayan ng Calamaniugan.

Kinilala ng PNP Calamaniugan ang tatlong biktima ng pamamaril, dead on the spot si Robert Tolentino, namatay naman si Arjay Galapia habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan, kasalukuyan namang ginagamot si Ronald Pascua, mga nasa hustong gulang at pawang residente ng Buguey, Cagayan.

Ayon sa tagapagsalita ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) na si P/Capt. Sharon Malillin, papauwi na umano ang tatlong biktima galing sa death anniversary ng kanilang kamag-anak sa Barangay Cullit.

Nag-aabang ng masasakyan papauwi sa kanilang bayan sa Buguey, Cagayan ang tatlong biktima sa Ba­rangay Bulala, ng nasabing bayan nang lapitan ang tatlo ng mga suspek lulan ng isang motorsiklo at walang sabi-sabing pinagbabaril na ikinasawi ng dalawa at ikinasugat ng isa.

Agad na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril habang nagtamo ng maraming tama ng bala mula sa ‘di pa matukoy na uri ng baril ang mga biktima.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaslang sa mga biktima. IRENE GONZALES

Comments are closed.