RIZAL- PATAY ang tatlong magkakapatid nang masunog ang kanilang tahanan kamakalawa ng gabi sa Taytay sa lalawigang ito.
Kinilala ni Bureau of Fire Protection investigator SFO3 Gerald Lising ang mga nasawi na sina Gloria de Silva Valera, may-ari ng bahay, Celerina Valera at Elvira Valera, kapwa mga nasa hustong gulang at nakatira sa Kilometer -26, Alta Monte, Brgy. Dolores, Taytay.
Sa record ng Taytay Fire Protection, dakong alas-9:02 ng gabi nang sumiklab ang apoy na tumupok sa bahay ng mga biktima na nagmula umano sa bahagi ng kusina.
Dakong alas-9:47 ng gabi nang ideklarang fire out ang BFP habang inaalam pa ng mga imbestigador ang pinagmulan ng apoy at kung magkano ang total damage.
Sa clearing operation, natagpuan ng mga bombero ang bangkay ng magkakapatid na wala nang buhay.
ELMA MORALES