MAGKAKAPATID NALUNOD: 3 PATAY, 1 NAKALIGTAS

ANTIQUE-TATLONG magkakapatid na pawang menor de edad ang sama-samang nalunod sa ilog sa Brgy. Culyat sa munisipalidad ng Valderrama sa lalawigang ito kahapon ng umaga .

Sa ulat ng Valderrama PNP, kinilala ang mga nasawi na sina Maricel Canja, 17-anyos, Maria, 15-anyos at Ruben, 11 taong gulang habang mapalad naman nakaligtas ang 13- anyos nilang kapatid na si Victor.

Ayon kay Police Capt. Narciso Sables, hepe ng Valderrama PNP, papauwi na ang apat na magkakapatid sa kanilang bahay subalit habang tumatawid sa ilog ay biglang rumagasa ang malakas na agos ng tubig dahilan upang sabay sabay silang anurin.

Masuwerteng nakaligtas si Victor nang matanaw ito ng ilang residente na nagtulong tulong upang maiahon siya sa gilid ng ilog.

Subalit, ang tatlong kapatid nito ay pawang bangkay na nang matagpuan sa kabilang barangay ng mga naghahanap. VERLIN RUIZ

Comments are closed.