MAGKALABANG GANG UGAT NG RIOT SA QC JAIL

ANG tangka umanong pagpasok o paglusob sa teritoryo ng Commando Gang ng isang Person Deprived of Liberty (PDL) o preso na mi­yembro ng Batang City Jail (BCJ) ang sinasabing dahilan nang pagsiklab ng riot sa Que­zon City Jail nitong Biyernes ng hapon.

Ayon sa isang source, nagtataka umano sila kung bakit nakaak­yat ang isang miyembro ng BCJ sa ikalawang palapag ng kulungan kung saan nandoon nakapiit ang mga miyembro ng Commando, gayung may mga bantay namang jailguar sa hagdan.

Sinasabing nakaakayat ang miyembro ng BCJ at hindi pa man nakakapasok mismo sa teritoryo ng commando ay hinablot na ito ng isang preso doon na naging dahilan nang kaguluhan, panaan at batuhan sa kulungan.

Maging ang mga miyembro ng Sigue Sigue Sputnik Gang (SSS), at Bahala na Gang (BNG) na nadamay at nasaktan sa batuhan ng Commando at BCJ ay sumama na rin sa riot.

Mahigit 30 minuto bago masawata ang kaguluhan sa jail taliwas sa naging ulat ng BJMP na ito ay tumagal lamang ng limang minuto at agad na nakontrol ang sitwasyon sa loob ng piitan, kung saan ay isa ang namatay habang siyam ang nasugatan.

Batay sa imbestigasyon ni Cpl. Christian Loyola ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang riot ay nagsimula bandang alas-3 ng hapon nitong Biyernes sa loob ng compound ng Bureau of Jail Ma­nagement and Penology (BJMP) NCR Quezon City Jail-Male Dorm na pinamumunuan ni Jail Warden, Supt. Michelle Ng Bonto, kung saan ay may isang PDL ang nasawi na nakilalang si Reyan Jaresco Tolentino, 39-anyos na miyembro ng SSS.

Sugatan naman ang mga PDLs na sina Hero Herrera, 36; Jonar Gerardo, 24; Tasio Ramos, 26 pawang miyembro ng SSS; Marvin Samson, 36; Rommel Engo, 34; Agosto Borromeo, 32; Noel Solapa, 46; Warlito Roco, 41, at Carl John PInangay, 22, pawang miyembro naman ng BCJ. Sila ay kasaluku­yang ginagamot sa East Avenue Medical Center.

Samantala, inatasan naman ni Mayor Joy Belmonte sa Quezon City Police District (QCPD) at Bureau of Jail Ma­nagement and Penology (BJMP) na masusing siyasatin ang naganap na kaguluhan sa loob ng piitan.

“Iniutos na natin ang malalimang imbestigasyon sa nangya­ring riot sa Quezon City Jail para malaman ang puno’t dulo nito. Kaila­ngang maparusahan ang mga nagpapabaya sa kanilang tungkulin kung mayroon man, upang hindi na maulit ang ganitong klaseng nagaganap sa ating mga kaganapan,” dagdag pa ng alkalde. EVELYN GARCIA