MAAGA ang Pasko para sa mga mangingisdang Navoteño matapos silang regaluhan nina Cong. Toby Tiangco at Mayor John Rey Tiangco ng mga lambat.
Nasa 287 rehistradong mangingisda ang nakatanggap ng mga 200 metrong bottom set gillnet na may iba-ibang mesh size.
Sa kanyang talumpati, binati ni Mayor Tiangco ang mga benepisyaryo at pinuri sa responsable nilang pangingisda.
“Bilang rehistradong mangingisda, sumusunod kayo sa mga patakaran ukol sa responsableng pangingisda at tumutulong kayo para manatiling balanse ang ekolohiya ng ating mga karagatan. Bilang kapalit, hangad naming ibigay sa inyo ang mga gamit na kailangan ninyo para dumami pa ang inyong huli,” aniya.
Ngayong taon, namigay ang Navotas ng 12 na 25-foot fiberglass boat na may 7.5hp diesel engine sa 24 mahihirap na mangingisdang Navoteño. Namigay rin ang lungsod ng mga lambat sa 116 mag-aalimasag.
Ibinalita rin ng alkalde na ipinasa na ang executive order sa Ulirang Pamilyang Mangingisda Scholarship. Ang mga hinirang na Top Ten Outstanding Fisherfolk, na iginagawad tuwing Navotas Day, ay maaaring mag-apply ng scholarship para sa isa niyang anak.
Samantala, hinikayat ni Cong. Tiangco ang mga benepisyaryo na himukin ang ibang mga mangingisdang Navoteño na magparehistro para makinabang din sa mga programa ng lungsod.
Nitong 2018, nakipag-partner ang kanyang tanggapan sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para magsagawa ng one-stop shop registration para sa mga mangingisda. EVELYN GARCIA
Comments are closed.