Mayor Tiangco nag-presenta ng disenyo para sa Coastal Development, Airport Services
Nakipagpulong sina Mayor Toby Tiangco, Cong. John Rey Tiangco at mga kinatawan ng San Miguel Corporation sa mga potensyal na investor, kamakailan.
Binisita ng grupo ang 343-hectare na Tanza Airport Support Services at ang 73.3-hectare na Navotas Coastal Development.
Iprinisinta rin ni Mayor Tiangco ang disenyong isinumite ng Palafox Associates para sa nasabing mga megaproject.
“Ang Tanza Airport Support Services ay magdadala ng maraming oportunidad sa mga Navoteno. Bilang paghahanda, inaprubahan natin ang City Ordinance No. 2021-40 na nagtatakda sa mga bagong negosyo sa Navotas na dapat residente sa lungsod ang 70% ng kanilang mga empleyado,” aniya.
“Ang NAVOTAAS Institute ay nakahanda ring magbukas ng mga kursong may kinalaman sa kinakailangan at napapanahong industriya para ma-train ang aming mga mamamayan,” dagdag niya.
Ayon pa kay Mayor Tiangco, ang Navotas Coastal Development, na lalagyan ng expressway patungong New Manila International Airport sa Bulacan, ay magtatampok din ng pinakamalaking socialized housing sa lungsod.
“Nagpapasalamat tayo sa San Miguel Corporation sa kanilang tiwala na gawin ang malaking proyektong ito sa ating lungsod at sa pagpayag na maisama ang pinakamalaking in-city housing natin dito. Nasa 3,480 pamilya ang mabibigyan ng bagong bahay sa Navotas Coastal Development. Kapag natapos na ang konstruksyon nito, aabot na sa 7,167 ang kabuuang bilang ng mga housing units natin,” ani pa niya.
“Ilang taon na nating pinagpaplanuhan at pinaghahandaan ang mga proyektong ito. Magkahalong saya at excitement ang ating nararamdaman dahil malapit nang matupad ang mga planong ito dahil sa inyong suporta,” ani Cong. Tiangco sa mga investor.
Nilibot din ng grupo ang Navotas-Malabon River Flood gate, NavotaAs Homes 1 and 2-Tanza, Urban Vertical Farm, at Sitio Pulo.