MAGKAPATID NASAWI SA SUNOG

sunog

MAYNILA – NATAGPUAN pang magkayakap ang walang buhay na katawan ng dalawang magkapatid makaraang malitson ng buhay habang nasusunog ang kanilang bahay sa Tondo, Martes ng madaling araw.

Ayon sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), na­kilala ang mga biktima na sina Ckrezhan Franchine Jagunos, 15, dalagita at kapatid na si Hazel Lance, 12-anyos, lalaki at kapwa mga estud­yante at residente sa 1153  Soriano St.,  Tondo, Manila.

Nabatid na dakong alas-3:30 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog  sa bahay  na pag-aari ni Fely Galang na inuupahan naman ng pamilya ng biktima.

Naiwan umano ng ina ng mga biktima  na si   Gemma, 36, negos­yante,  ang kanyang niluluto nang mamalengke ito dahilan upang magkasunog.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog at idineklarang fire out dakong alas-4:47 ng madaling araw.

Nadamay ang anim na kabahayan  dahilan para mawalan ng tirahan ang 12 pamilya habang nasa 100 libong halaga naman ang na-pinsala ng sunog.    PAUL ROLDAN

Comments are closed.