CALOOCAN CITY – NASAWI ang dalawa sa tatlong magkakapatid matapos ma-trap sa loob ng nasusunog nilang bahay habang sugatan naman ang dalawang tumulong sa pag-apula ng apoy kahapon ng madaling araw.
Si Cedric James Baleros, 8, at kanyang kapatid na si Cloe Kate, 6, ay kapwa binawian ng buhay habang ginagamot sa Manila Central University (MCU) hospital sanhi ng mga tinamong paso sa kanilang mga katawan habang nasa kritikal naman na kalagayan ang kanilang bunso na si Alexandra, 4, na kasalukuyang inoobserbahan sa East Avenue Medical Center sa Quezon city.
Nakilala naman ang dalawang nasugatan na si Jaymart Jeresano, 16, at Eloisa Enzo, 21, na kapwa nagtamo ng mga pinsala sa kanilang tuhod at siko.
Lumabas sa imbestigasyon ni Caloocan Bureau of Fire Protection (BFP) arson investigator FO1 Cristina Jarabelo, alas-12:30 ng madaling araw nang sumiklab ang apoy sa second floor ng bahay ng ama ng mga biktima na si Richard Baleros sa 180 M. De Castro St., Brgy. 155 Bagong Barrio.
Ayon kay Barangay Chairman Bryan Pascual, walang koryente ang bahay ng pamilya Baleros at gumagamit lang ng kandila na kanilang ilaw sa bahay.
Sa pahayag ng saksing si Rosalie Bejeson sa arson investigator, bago sumiklab ang sunog ay umalis ang ama ng mga biktima at kinandado nito ang bahay upang bumili ng pagkain.
Nang sumiklab ang sunog, nagtulong-tulong naman ang mga kapitbahay ng mga biktima na mailabas sa nasusunog nilang bahay ang magkakapatid bago mabilis na isinugod sa naturang hospital.
Umabot ang sunog sa unang alarma at tuluyang naapula dakong alas-2:30 ng madaling araw habang tinataya namang aabot sa P15,000 halaga ng ari-arian ang naabo sa insidente. VICK TANES/ EVELYN GARCIA
Comments are closed.