MAGKAPATID SWAK SA P7-M SHABU

RIZAL- NASA P7 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa magkapatid na tulak sa isinagawang buy bust operation ng pinagkasanib na puwersa ng San Mateo PNP at Provincial Intelligence Unit sa nasabing bayan sa lalawigang ito.

Ayon sa ulat ni Col. Dominic Baccay, Rizal PNP Provincial Director kay PRO4A- Regional Director Jose Melencio Nartatez Jr., kinilala ang mga suspek na sina Diadema Babasa at Betty Babasa.

Nakumpiska sa magkapatid ang isang bulto at pitong piraso ng shabu na may timbang na 1.020 kilos na nagkakahalaga ng P6,936,000 dakong alas-8 ng gabi sa No. 31 Rosal St., Brgy., Gulod Malaya sa nabanggit na bayan.

Ang mga suspek ay binasahan ng Miranda Rights at Anti-Torture Law habang inaaresto.

Habang ang mga narekober na ebidensya ay minarkahan, inimbentaryo at kinuhanan ng litrato sa lugar ng pinangyarihan na nasaksihan ng ilang Barangay official.

Ang mga suspek at ebidensiya ay dinala sa Rizal Provincial Field Unit para sa wastong disposisyon.

Nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na kasalukuyang nakapiit sa San Mateo Custodial Facility.

Pinuri ni Baccay ang naging matagumpay na operasyon at naninindigan na ang mga pulis ng Rizal ay lalong magsisigasig upang mahuli ang mga taong patuloy na tumatangkilik at nagbebenta umano ng iligal na droga. ELMA MORALES