MAGKASUNOD NA LINDOL PRELUDE SA THE BIG ONE?

lindol

CAMP AGUINALDO –PARA sa ilang opisyal ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRMMC) mistulang wake up call at  prelude (panimula) sa The Big One ang naranasang magkasunod na malakas na pagyanig sa Luzon at Visayas sa loob ng wala pang 24 oras na may magnitude o lakas na intensity 7.2.

Ayon sa isang opisyal ng NDRRMC na ayaw magpabanggit ng panga­lan, panahon na para seryosohin ng mamamayan kasama ang mga local government ang banta ng isang malakas na paglindol.

Umaasa ang opisyal na seseryosohin na nga­yon ng publiko at mga ahensiya ng gobyerno ang mga inilulunsad na nationwide earthquake drill ng NDRRMC at Office of Civil Defense bilang paghahanda sa posibleng Intensity 7.2 earthquake na yayanig sa Metro Manila at karatig na mga lalawigan.

DEATH TOLL SA 6.1 MAGNITUDE NA LINDOL 16 NA

Sa ulat ng NDRRMC nasa 16 na ang nasawi habang nasa 81 ang nasaktan, at 14 naman ang itinalang nawawala sa Region III.

Lima sa mga namatay ay mula sa Chuzon Supermarket sa Porac, pito naman ay mula sa iba’t ibang barangay sa Porac, dalawa sa Lubao, isa sa Angeles, at isa sa  San Marcelino.

RESCUE OPERATIONS NAGPAPATULOY

Nagpapatuloy pa rin ang search/rescue and retrieval operation ng Bulacan Rescue kasama ang iba pa sa Brgy. ­Poblacion, Porac, Pampanga.

Matapos yanigin ng magnitude 6.1 na lindol kahapon ang malaking bahagi ng Central Luzon.

Sa report ng Office of the Civil Defense ng Region 3 Director Marlou Salazar, umakyat na sa walo ang nerekober  at  nailigtas ng mga rescuer na nagtamo ng matin­ding pinsala sa katawan na kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa iba’t ibang pagamutan.

Habang 15 katao pa ang patuloy na hinaha­nap na pinaniniwalaang na trap sa gumuhong gusali, at nasa 59 naman ang nagtamo ng minor injuries ang isinugod sa iba’t ibang hospital.

Nakapagtala na rin ng walong namatay dahil sa lindol kabilang dito ang dalawang bata, isa rito ay tinamaan ng bato sa ulo mula sa Brgy. Buhawen,  San Marcelino,  Zambales  at anim na empleyado ng supermarket.

Tumutulong na rin ang mga sundalo, pulis at iba pang NGO’s sa retrieval operations sa naturang lugar.

6.5 MAGNITUDE QUAKE SA SAMAR

Kahapon niyanig ng magnitude 6.5 earthquake ang bahagi ng Eastern Samar na naram­daman hanggang Bicol at Caraga Region.

Sa ulat na isinumite ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHILVOCS) sa punong tanggapan ng NDRRMC  bandang ala-1:37, Martes ng hapon ay tumama ang magnitude 6.2 na lindol sa Eastern Samar.

Naramdaman naman ang Intensity 5 sa Tacloban City at Catbalogan City, Intensity 4 sa Masbate City, Masbate; Legazpi City at Sorsogon City sa Bicol.

Naitala ang epicenter sa layong 19 kilometro Hilagang Kanluran ng San Julian, Eastern Samar.

STATE OF CALAMITY

Samantala, idineklara na rin ang state of calamity sa ikalawang distrito ng Pampanga kung saan sakop ang gumuhong Chuzon Supermarket na patuloy na binabantayan ng awtoridad at rescue teams.  VERLIN RUIZ /

BEN ABAYGAR/ THONY ARCENAL