MAGKATUNGGALING PARTIDO SA MINDANAO NAGKAISA PARA KAY GOV SAKUR TAN

ISINANTABI muna ang hindi pagkakaunawaan sa pulitika, apat na pinaka-maimpluwensiyang political groups sa Mindanao na karamihan ay dating magkaka-away sa pulitika, ang nagkaisa nitong Sabado para ipahayag ang suporta kay Sulu Governor Sakur Tan bilang Chief Minister sa Bangsamoro Parliament elections sa May 2025.

Nagdesisyon ang apat na political parties ng bagong tatag na BARMM Grand Coalition (BGC) – ang Salaam Party ni Gov. Tan, ang Bangsamoro People Party o BPP na pinangunahan ni Basilan Rep. Mujiv Hataman, ang Al Ittihad-UKB Party ni Sultan Kudarat former Gov. at ngayon ay TESDA Sec. Datu Suharto Mangudadatu; Serbisyong Inklusibo Alyansang Progresibo (SIAP) Party na pinamumunuan naman ni Lanao del Sur Gov. Bombit Adiong – na suportahan si Gov. Tan para sa pinakamataas na position ng pamahalaan sa BARMM.

Dumating din si Maguindanao del Sur Gov. Bai Mariam Sangki Mangudadatu kasama ang libo-libong taga-suporta para ipahayag ang pag-endorso kay Gov. Tan.

Karamihan sa mga lider na kasapi ng iba’t ibang political groups ay mga dating magkakatunggali noong mga nakaraang halalan sa Mindanao.

Ang pahayag para sa endorsement ng BGC para kay Gov. Tan ay inilahad ni Basilan Rep. Mujiv Hataman sa General Assembly ng Salaam Party-BGC na ginanap sa Maimbung, Sulu nitong Sabado.

“Nagkaroon ng consensus ang mga miyembro ng coalition na susuportahan namin si Gov. Sakur Tan para Chief Minister sa Bangsamoro Parliament dahil naniniwala ang BGC na qualified siya para maging CM,” ani Hataman.

Nagpasalamat naman si Tan sa suportang binigay ng koalisyon sa kanya at sa pagtitiwala sa kanyang kakayahan na pamunuan ang BARMM.

“Iisa ang ating adhikain: ang isang mapayapa, maunlad at masaganang Bangsamoro region na may paggalang sa karapatan ng lahat ng sektor na bibigyan ng boses sa pamahalaan,” sabi ni Tan.

Ayon kay Hataman, nagdesisyon ang BGC na iendorso si Tan bilang CM matapos ang maraming pagpupulong at malawakang konsultasyon sa mga opisyal at miyembro ng lahat ng political parties na kasali sa koalisyon, kasama ang mga. non-government organizations at civil society groups.

Nabuo ang BGC nitong umpisa ng taon nang magkaisa ang mga lider ng apat na partido sa BARMM na bumuo ng alyansa na magsusulong ng mga adhikain ng peace and unity, inclusive governance and development, at ang implementation ng peace agreement sa Bangsamoro region.

Kasalukuyang nasa pangalawang termino si Gov. Tan bilang gobernador ng Sulu matapos manilbihan bilang bise gobernador mula 2013 hanggang 2016.

Una siyang sumabak sa pulitika noong 1981 bilang municipal councilor sa Jolo bago maging district representative ng Sulu mula 1987 hanggang 1992.

Mula 1996 hanggang 2001, at muli noong 2007 hanggang 2013, nanilbihan siya bilang gobernador ng Sulu bago naging bise gobernador.

Ani Hataman, naniniwala ang BGC na sa pamumuno ni Gov. Tan, maisusulong ng alyansa ang prinsipyo ng equitable representation sa Bangsamoro government na magsisilbi sa lahat ng mamamayan ng Bangsamoro anuman ang kanilang relihiyon o ethnicity, at ang paniniwalang “Ang Bangsamoro ay para sa lahat, hindi lamang para sa iilan.”