TIGIL-PASADA ang nakikitang paraan ng mga jeepney operator at driver upang marinig ang kanilang mga hinaing.
Bago ang pagwawakas ng deadline para sa PUV consolidation bukas, April 30, nagkasa ang mga driver ng dalawang araw na transport strike sa halip na pumasada at kumayod.
Karapatan naman nila na magprotesta lalo na’t nakasalalay rito ang kanilang kabuhayan kaya walang makapipigil sa kanila.
Subalit ilang beses na rin namang nagkilos-protesta ang ilang transport groups bilang pagtutol sa PUV consolidation at modernisasyon ng kanilang ginagamit na pamasadang sasakyan.
Habang nagkaoon na rin ng hindi mabilang na pag-uusap ang panig ng pamahalaan at kanilang grupo.
Naidulog na rin sa korte ang kanilang mga hinaing at sigurado namang nailatag ng mga abogado at eksperto ang opinyon hinggil sa nasabing usapin.
Isa lamang kasi ang ikinatatakot ng mga operator at jeepney driver — ang malaking bayarin upang magkaroon ng modern jeep.
May punto naman ang ating mga jeepney driver dahil mayorya sa kanila ay umaasa sa boundary at hindi naman nila pag-aari ang jeep, bukod pa sa walang katiyakan ang presyo ng petrolyo.
Sa panig naman ng pamahalaan ay marami na rin itong nailatag na opsyon at tulong sa ating mga kapatid na jeepney driver.
Tama rin naman na ipatupad na ang modernization para sabay na sumulong ang mga nasa sektor ng transport group at pamahalaan.
Marahil ay isang matinding kampanya at mga programang may appeal sa mga driver ang isulong upang magkasundo ang magkabilang panig.