NEGROS ORIENTAL- PATAY ang babaeng reporter ng Cebu Daily News na magko-cover sa kaso ng Degamo killings nang masangkot sa road accidente sa San Jose sa lalawigang ito.
Sa ulat ng San Jose Municipal Police, kinilala ang biktimang si Pegeen Maisie Saranana na nakabase sa Carcar City, Cebu na nagtungo lamang sa Negros island para i-follow up ang kaso ng pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Naganap ang trahedya, pasado alas-3 ng hapon habang naka-back ride si Saranana sa minamanehong motorsiklo ni Niel Ian Mascardo Balcobero.
Sa imbestigasyon, nag-overtake ang isang truck sa isa pa saka nabangga ang motorsiklo nina Saranana na noo’y naghihintay lamang na tumawid.
Nadala pa sa ospital ang biktima subalit dahil sa tindi ng sugat sa ulo at katawan ay pumanaw rin ito Lunes ng gabi.
Arestado naman ang driver ng truck na si Nielric Gaso.
Nag-alay naman ng misa ang Cebu Daily News para sa nasabing reporter. EUNICE CELARIO