MAGLINIS, MAGBAHAGI, MAGHANDA PARA SA BAGONG TAON

ILANG  araw na lamang at bagong taon na—nakapaglinis ka na ba ng iyong bahay at buhay? Kamakailan ay may nabasa akong maiksing sulatin tungkol sa mga bagay na nagdudulot sa atin ng stress. Kabilang sa listahan ay ang mga bagay na sira o wala nang silbi, kasama na rin ang mga bagay na nagpapaalala sa atin ng malulungkot na sandali sa ating buhay. Negatibong enerhiya ang dala-dala ng mga bagay na ito sa ating buhay at sa paghahanda natin para sa bagong taon, isa sa mga bagay na dapat nating gawin ay ang pag-alis o pagtapon sa mga ito.

Mabuting maglaan ng ilang araw—marahil pagkatapos ng Pasko mismo upang hindi na gaanong busy—para maglinis ng paligid at ipamigay o itapon ang mga bagay na dapat nang alisin. Puwedeng ibukod ang mga bagay na pwedeng i-donate, i-recycle, itapon, at ibenta. Sa pagtatanggal ng mga bagay na wala nang pakinabang, hindi lamang magiging malinis ang paligid, gagaan din ang pakiramdam natin. Sabi ng ilan, may kinalaman ito sa ating kalusugan at kapayapaan ng isip. Ito ay mga bagay na kailangang-kailangan natin lalo na ngayong paparating na ang 2022 at tayo ay umaasa at nagsusumikap na makabangon mula sa pandemya at mga hamon nito.

Napag-uusapan na rin lamang ang donasyon o pagbabahagi, nabalitaan nating lahat ang unos na dala ng bagyong Odette na sumalanta sa Katimugang bahagi ng bansa ilang araw pa lamang ang nakalilipas.

Marahil ang ilan sa inyo ay direktang apektado, o may kakilalang naapektuhan ng bagyo. Marami sa ating mga kababayan sa mga lugar na tinamaan ng bagyo ang nangangailangan ngayon ng tulong. Kaya’t maraming mga grupo at organisasyon ang nagsimula nang kumilos upang makatulong sa mga nasalanta.
(Itutuloy…)