SULTAN KUDARAT – TARGET ng awtoridad ang tinuturong person of interest sa malagim na pagpaslang sa isang siyam na taong gulang na bata at sa lola nito na kapwa nakitang duguan sa may likod bahay ng mga biktima sa Barangay San Pablo sa Tacurong City.
Ayon sa Tacurong City-PNP, nasawi sa pananaksak ang batang si Raiven Escolano, 9-anyos at ang lola nito na si Rose Mary Datoon Escolano, 63-anyos at kapwa residente sa Purok San Jose, Brgy. San Pablo, Tacurong City.
Samantala, isa sa mga posibleng suspek sa nasabing krimen na tinututukan ng Tacurong City Police Office ang anak ng matandang biktima na kinilalang si Ernesto Datoon Escolano Jr. alyas Junior, 30-anyos, naninirahan sa nasabing barangay at isang ex-convict na nakulong dahil sa kasong robbery.
Mismong mga kamag-anak nito ang nagsasabing ito ang suspek dahil lulong ito sa pinagbabawal na droga.
Kasalukuyang target ng manhunt operation ng Tacurong City-PNP ang tinuturong suspek na sinasabing nagtatago na.
Una rito ay hinahanap ng mga kamag-anak ang mga biktima nang hindi sila makita sa loob ng bahay hanggang mapansin ang mga patak ng dugo dahilan upang humingi sila ng tulong sa pulisya.
Nadiskubre ang mga bangkay ng biktima na tigmak ng dugo at kapwa tadtad ng saksak. VERLIN RUIZ
Comments are closed.