CAVITE – HINDI umabot ng buhay sa pagdiriwang ng Pasko ang maglola makaraang salpukin ng rumaragasang SUV sa kahabaan ng Centennial Road, Brgy. Magdalo-Potol, bayan ng Kawit sa lalawigang ito kamakalawa ng madaling araw.
Naisugod pa sa Kawit Kalayaan Hospital subalit idineklarang patay ang mga biktimang sina Cecilia Calagos y Mediante, 57-anyos; at James Mhorry y Calagos, 9-anyos, kapwa nakatira sa Jordan Estate, Brgy. San Antonio 1, bayan ng Noveleta, Cavite.
Nahaharap naman sa kasong double homicide ang suspek na si Jose Bautista Jr. y Dela Cruz, 46-anyos, ng Fort Bonifacio, Taguig City.
Sa inisyal na police report na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na patungong Noveleta mula sa Kawit ang minamanehong Toyota Fortuner (WMI407) ni Bautista nang masalpok nito ang tumatawid na maglola.
Tumilapon ng may ilang metro ang mga biktima dahil sa matinding pagkakasalpok kung saan naisugod pa sa nasabing pagamutan ang maglola subalit idineklarang patay ni Dr. James Sebastian.
Kusa naman sumuko sa mga awtoridad ang driver ng SUV upang panagutan ang naganap na sakuna habang pinaniniwalaan naman may kadilim ang nasabing highway dahil sa kawalan ng ilaw sa mga poste kaya naman posible pang maulit ang sakuna sa darating na araw. MHAR BASCO