ILANG araw na lamang bago ang Pasko, patuloy ang pagsirit ng presyo ng hamon at lechon dahil sa mataas na demand sa gitna ng epekto ng African swine fever (ASF).
Sa isang tindahan ng hamon sa Quiapo, Maynila, umabot na sa P1,600 mula sa P1,580 ang presyo ng kada kilo ng bone-in ham; Chinese ham, P1,540; at scrap ham, P1,440.
Kumpara ito sa P345 hanggang P1,120 kada kilo ng hamon sa mga supermarket alinsunod sa suggested retail price (SRP) ng Department of Trade and Industry ( DTI).
Samantala, tumaas ng P500 ang presyo ng lechon sa La Loma, Quezon City kaya nasa P6,500 hanggang P15,000 na ito depende sa laki, mula sa P6,000 hanggang P10,000 noong mga nakalipas na buwan.
Nagbabala naman ng mga producer na sa sandaling magsimula na ang Simbang Gabi sa susunod na linggo ay magtataas pa sila ng presyo dahil sa manipis na supply.
Sa datos ng Department of Agriculture (DA), hanggang December 2, 2021, ang presyo ng pork ham ay may average na P330 kada kilo, habang ang pork belly ay P360 kada kilo sa Metro Manila.