MAGNA CARTA FOR PUBLIC SCHOOL TEACHERS PINAAAMYENDAHAN

UPANG tugunan ang mga bago at nagpapatuloy na hamong kinakaharap ng public school teachers, naghain si Senador Win Gatchalian ng panukalang batas na layong amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670) na naisabatas 57 taon na ang nakalipas.

Maraming panukalang pagbabago ang nilalaman ng ‘Revised Magna Carta for Public School Teachers’ (Senate Bill No. 2493) upang matiyak na naitataguyod, nabibigyan ng proteksyon, at nirerespeto ang karapatan at kapakanan ng mga guro sa mga pampublikong paaralan.

Kabilang sa mga isinusulong na pagbabago ang mga sumusunod: ang pagbibigay ng calamity leave, educational benefits, at longevity pay; mga kondisyon sa pagbibigay ng special hardship allowance; mas maayos na criteria pagdating sa sahod; proteksyon ng mga guro mula sa mga out-of-pocket expenses; at iba pa.

Iminumungkahi rin ni Gatchalian na ipantay ang mga sahod, benepisyo, at work condition ng mga probationary teachers sa entry-level teachers.

Nakasaad din sa panukalang batas na babawasan ang oras ng pagtuturo ng public school teachers sa apat mula anim. Ngunit sa mga pagkakataong kinakailangan, maaaring magtrabaho ng hanggang walong oras ang mga guro at makatatanggap sila ng dagdag na umentong magiging katumbas ng kanilang regular na sahod at may dagdag na 25% sa kanilang basic pay.

Ipinagbabawal din ng panukalang batas ang pagbibigay ng mga non-teaching task sa mga guro. Kung ang isang guro naman ay naka-leave, pahihintulutan ang pag-hire ng substitute teacher.

Sa ilalim pa rin ng panukalang batas, ipagbabawal ang pagtanggal sa mga permanent teacher nang walang sapat na dahilan at due process. Maaaring maibalik sa trabaho at makatanggap ng backwages ang mga permanent teachers na naalis sa trabaho sa hindi makatarungang paraan.

Titiyakin din ng panukalang batas ang confidentiality ng disciplinary actions sa mga guro. Layon ding magkaroon ng ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd) at Public Attorney’s Office (PAO) upang mabigyan ng serbisyong legal ang mga gurong humaharap sa mga reklamo at demanda na may kinalaman sa kanilang trabaho.

Kung maisabatas ang naturang panukala, bubuo ang DepEd ng Code of Ethics para sa mga guro sa pampublikong paaralan. Ipagbabawal din ng panukalang batas ang anumang anyo ng diskriminasyon at itataguyod ang gender equality.

“Nakasalalay sa ating mga guro ang tagumpay ng sektor ng edukasyon, ngunit patuloy nilang kinakaharap ang iba’t ibang mga hamon sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Napapanahon nang amyendahan natin ang Magna Carta for Public School Teachers at gawin itong mas angkop sa pangangailangan ng ating mga guro,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

VICKY CERVALES