MULING itinulak ni Senador Christopher “Bong” Go ang pagpasa sa kanyang inihain na Senate Bill No. 1191 na naglalayong magbigay ng Magna Carta para sa mga Seafarer.
Binanggit ng senador, na Vice Chair din ng Senate Committee on Migrant Workers, ang malaking papel ng Filipino seafarers sa pandaigdigang kalakalan at transportasyon sa dagat gayundin ang malaking kontribusyon ng lahat ng overseas Filipino worker sa ekonomiya ng bansa.
Ang panukalang batas, kung maipapasa bilang batas, ay naglalayong saklawin ang malawak na hanay ng mga isyu na kadalasang nakaaapekto sa mga marino. Makatutulong ito na matiyak ang karapatan ng mga marino sa bansa sa disente at makataong trabaho at magtakda ng gabay para sa mga marino sa pagsasanay, trabaho sa ibang bansa, at pagreretiro.
“Ako ay walang humpay sa paghahangad ng interes at kapakanan ng ating mga overseas Filipino workers, kabilang ang mga marino. Hanggang ngayon ay patuloy kong ipaglalaban ang kapakanan ng ating mga seafarers dahil hindi po biro ang kanilang trabaho na mapalayo sa kanilang mga pamilya para mabigyan lang sila ng mas magandang kinabukasan,” paliwanag ni Go.
“Ang Pilipinas ang pangunahing pinagmumulan ng maritime labor at itinuturing na manning capital ng mga marino sa buong mundo mula noong 1987. Sa 1.5 milyong marinero sa buong mundo, 25% ay Filipino sea-based worker, na ginagawa silang nag-iisang pinakamalaking nationality bloc sa industriya ng maritime,” binanggit niya dati.
Sa isang bukas na liham ng United Filipino Seafarers Labor Federation kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at sa mga senador, na inilathala kamakailan, inulit ng grupo ang suporta nito sa pagpasa ng House Bill No. 7325, na kilala rin bilang Magna Carta for Seafarers. Naghahangad din ito ng mas mahusay na proteksyon para sa mga marino, partikular na tungkol sa pag-aayos ng iba’t ibang mga claim na may kaugnayan sa trabaho.
“Katulad ng pagsuporta natin sa mga OFW hanggang sa naisabatas ang panukalang nagtatag sa Department of Migrant Workers, nais ko rin na mabigyan natin ng kaukulang suporta at proteksyon ang ating mga seafarers, kung meron Magna Carta para sa kanila, mas mabibigyan natin sila ng proteksyon sa masmaraming suporta,” ani Go.
Samantala, pinasalamatan ni Go ang European Commission (EC) matapos ang desisyon nitong ipagpatuloy ang pagkilala sa mga certificate na inisyu ng Pilipinas na magbibigay-daan sa mga Filipino seafarers na magpatuloy sa pagtatrabaho sa mga barkong may bandera ng European Union (EU).