NAG-PANIC at nagsipaglabasan ang mga pasyente ng isang ospital sa Kidapawan City nang maitala ang magnitude 4.9 aftershock bago mag-alas-9 ng umaga kahapon.
Bago ang nasabing pagyanig, naitala muna ang mas malakas na magnitude 5.3 na lindol noong Martes ng gabi,
Sa inilabas na earthquake advisory ng Philippine Institute of Seismology and Volcanology (PHIVOLCS), alas-8:37 ng gabi nang mangyari ang pagyanig sa 8 kilometers southwest ng Makilala sa nasabing probinsya.
Sa report ng PHIVOLCS sa Department of Science and Technology (DOST) at National Disaster Rick Reduction Management Council (NDRRMC), nakapagtala ng 4.9 magnitude na lindol na tumama sa 11 kilometers northeast sa bayan ng Makilala sa North Cotabato alas-8:56 ng umaga.
Intensity 5 naman ang naramdaman sa Kidapawan City.
Bunsod ng naranasang malakas na pagyanig ay mabilis na naglabasan ang mga pasyente ng Kidapawan Doctor’s Inc. kasama ang kanilang mga bantay at nurses.
Agad na nagkansela ng pasok sa ilang paaralan at mga tanggapang pampubliko bunsod ng lindol.
Sa Kidapawan City ay nagsuspinde ng pasok sa lahat ng antas maging sa bayan ng Makilala na itinuturong episentro ng 5.6 magnitude na lindol.
Nagtamo ng matinding pinsala ang Salud Cagas Technical and Vocational High School sa Magsaysay, Davao del Sur matapos ang tumamang lindol sa North Cotabato.
Bumagsak ang kisame sa isa sa mga silid-aralan ng eskuwelahan.
Kabilang ang Davao del Sur sa nakaramdam ng malakas na pagyanig.
Ayon sa PHIVOLCS, Intensity 5 ang naitala sa Santa Cruz, Davao Del Sur at Kidapawan City. Habang Intensity II naman sa Tupi, South Cotabato; Intensity I sa Alabel, Sarangani at Cagayan de Oro City. VERLIN RUIZ
Comments are closed.