MAGNITUDE 5.9 LINDOL SA MINDORO, RAMDAM SA METRO MANILA

NARAMDAMAN sa Metro Manila ang magnitude 5.9 na lindol na tumama sa timog-silangan ng bayan ng Lubang ng Occidental Mindoro nitong Martes ng hapon.

Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naramdaman ang lindol alas-4:36 ng hapon at may lalim na 79 kilometro.

Naramdaman ang tinatayang intensity 5.5 sa  Tagaytay City at may lalim na 69 kilometro, habang intensity 4 naman sa Metro Manila.

Pansamantalang itinigil ang operasyon sa LRT-2 matapos maramdaman ang lindol.

Naputol naman ang pagdinig ng Kongreso sa SMNI sa pamamagitan ng alarma at advisory para sa mga tao na lisanin ang gusali, kasunod ng  malakas na pagyanig.

Ang mga empleyado, panauhin at opisyal ng House of Representaties ay agad na lumikas sa sesyon ng plenaryo at sa kanilang mga tanggapan pagkatapos tumunog ang alarma sa lindol.

Lumabas din sa kanilang mga gusali ang mga police personnel at empleyado sa Camp Crame, sa Quezon City dahil sa pagyanig.

Ang mga manggagawa ng Climate Change Commission at iba pang nangungupahan sa Malacañang Complex ay hiniling na lumikas matapos maramdaman ang pagyanig sa ilang bahagi ng Metro Manila.

EVELYN GARCIA