NIYANIG ng magnitude 6.3 earthquake ang bayan ng Calatagan sa Batangas nitong araw mismo ng Pasko.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang pagyanig bandan alas-7:43 ng umaga.
Tectonic ang origin ng lindol at may lalim na 74-kilometers.
Ayon kay PHIVOLCS Director Dr. Renato Solidum bagaman malakas ang pagyanig ay walang aasahan na banta ng tsunami ang coastal areas ng lugar.
Subalit, may mga naitalang mahihinang aftershock na naramdam sa ilan pang karatig na lugar kasunod ng pagyanig.
Bukod sa mga bayan sa Batangas, naramdaman din ang lindol sa Cavite, Quezon, Laguna, Metro Manila, at ilang lugar sa Central Luzon.
Batay sa report ng PHIVOLCS, naitala ang Intensity IV sa Lemery, at Malvar, Batangas; San Pedro, Laguna; City of Manila; Marikina City; Quezon City; Cainta at Antipolo City, Rizal; at Pasig City.
Naramdaman naman ang Intensity III sa Caloocan City; Tanay, Rizal; San Jose Del Monte City, at Plaridel, Bulacan; Gapan City, Nueva Ecija; Cabangan at Iba, Zambales; Samal, Bataan; Valenzuela City; at Malabon City.
Habang Intensity II sa San Isidro, Nueva Ecija; at Alaminos City, Pangasinan.
Gayundin, nakapagtala na ang PHIVOLCS ng limang mahihinang aftershocks matapos ang lindol.
Nai-report ang magnitude 3.2 na aftershock dakong 7:53am, 8:09am at 9:06am; magnitude-3.0 na aftershock naman dakong 7:57am.
Magkasunod naman ang magnitude 2.0 at 2.4 na aftershock na nai-report nang 8:29 at 8:49am.
Samantalang, magnitude 1.6 at 1.5 nitong 9:08am at 9:13am. VERLIN RUIZ
Comments are closed.