TINATAYA sa magnitude 6 na lindol ang maaaring maganap sakaling gumalaw ang active fault line sa Barangay Balabag, Kidapawan City.
Ito ang kinumpirma ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Kidapawan Engr. Milo Tabigue.
Ayon kay Tabigue, dating potentially active ang Balabag fault na may habang 286 meters na ngayon ay active fault na at kayang mag-generate ng hanggang sa magnitude 6 na lindol.
Aniya, maaaring gagalaw ang faultline sa Barangay Balabag dahil aktibo ito at una na ring idineklarang high risk area ng Mine and Geosciences Bureau o (MGB) ng DENR.
Napag-alamang nadiskubre rin na may fault lines sa bayan ng Matalam, Aleosan, Alamada at Carmen North Cotabato.
Nabatid na ang hazard din ng lindol ay hindi lamang ang ground rapture at ground shaking dahil isa rin sa mapanganib kapag may mga pagyanig ay ang landslide o pagguho ng lupa.
Mayroong dalawang uri ng landslide ito ay ang pagguho ng lupa dahil sa lindol at pagguho ng lupa dahil naman sa malakas na buhos ng ulan.
Nilinaw rin ng opisyal na ligtas pa rin namang magpatayo ng bahay sa mga lugar na tinukoy na may active fault line basta’t sumunod lamang sa pamantayan ng National Building code at dapat ding limang metro ang layo mula sa buffer zone.
Muli rin nitong nilinaw na hindi maaapektuhan ang Mount Apo kung saan malapit lamang sa paanan nito ang Barangay Balabag dahil aniya ito ay hindi potentially active volcano.
Sakaling makaranas ng malakas na lindol ay posibleng sa loob pa ng mahabang panahon gagalaw ulit ang Balabag fault line. BENEDICT ABAYGAR, JR.