MAGPABAKUNA TAYO

JOE_S_TAKE

BUNSOD ng patuloy na pagtaas ng bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa, umabot na sa higit 900,000 ang kabuuang bilang nito.

Ayon sa datos ng Department of Health noong ika-15 ng Abril, 904,285 na ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Mula sa kabuuang bilang na ito, 183,527 o nasa 20.3% ang naitalang aktibong kaso.

Ang bilang na 11,429 na bagong positibong kaso na naitala noong ika-15 ng Abril ay maaaring mas mataas pa dapat dahil pitong laboratory ang hindi nakapagsumite sa tamang oras ng resulta ng mga isinagawang testing. Tumaas din ang bilang ng mga namamatay kada araw dahil sa COVID-19. Mula ika-9 hanggang ika-14 ng Abril, higit sa 100 ang bilang ng mga naitalang namamatay dahil sa COVID-19 kada araw kaya  hindi nakapagtataka na ang kabuuang bilang nito ay kasalukuyang nasa halos 16,000 na.

Kaugnay ng tumitinding laban ng bansa kontra COVID-19, umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mamamayan na ayaw magpabakuna. “May mga iba diyan na ayaw talaga magbakuna, eh ‘di okay na lang ‘yan sa akin. Ang problema kung makahawa ka,” pahayag ni Pangulong Duterte. Aniya, hindi ito ang tamang panahon para pairalin ang kayabangan dahil ang kalaban natin ay hindi natin nakikita.

Tayo ay may karapatang magdesisyon para sa ating sarili ukol sa usapin ng pagpapabakuna, ngunit dapat ay isipin natin ang maaaring maging epekto ng ating desisyon sa ibang tao. Hindi ito ang tamang panahon upang sarili lamang ang isipin. Kritikal din ang labang ito sa ekonomiya ng ating bansa. Kung ang isang indibidwal ay magdesisyon na hindi magpabakuna, maaari pa rin siyang pagmulan ng muling pagkalat ng COVID-19. Iyan ang punto ni Pangulong Duterte.

Bagaman malaking tulong ang pagsusuot ng face mask at face shield at ang pagsunod sa social distancing sa mga pampublikong lugar, hindi hamak na mas mahusay pa rin ang proteksiyon na kayang ibigay ng bakuna kontra COVID-19. Ito ang dahilan kung bakit ang lahat ay hinihikayat na magpabakuna.

Sa kabila ng suliraning kinakaharap ng pamahalaan ukol sa limitadong dosis ng bakuna na mayroon sa bansa, patuloy naman ang pagdating ng mga dosis nito. Sa katunayan, ayon kay vaccine czar Carlito Galvez, 5.5 milyong dosis ng bakuna ang inaasahang darating sa bansa ngayong buwan ng Abril. Bukod sa mga dosis ng bakuna mula sa Sinovac, inaasahan din ang pagdating ng unang dosis mula sa Gamaleya at COVAX.

Ayon kay Senator Bong Go, inaasahang darating sa bansa ang unang batch ng dosis ng bakuna mula sa Gamaleya ng Sputnik V ngayong linggo.

Nananatiling buo ang tiwala ni Galvez na makakamit ng pamahalaan ang layunin nitong mabakunahan ang 70% ng populasyon ng bansa sa pagtatapos ng taong 2021. Ayon sa datos noong ika-13 ng Abril, nasa 3,025,600 na dosis ng bakuna kontra COVID-19 ang dumating sa bansa mula sa Sinovac at sa AstraZeneca. 1,255,716 na dosis naman ang naitalang naipamahagi na.

Sa Hunyo ay inaasahan ding darating sa bansa ang dosis ng bakuna mula sa Moderna. Ito ay ayon sa ulat ni International Container Terminal Services Inc. (ICTSI) Chair and President Enrique Razon, Jr., ang tumatayong lider ng grupo ng pribadong sektor na bahagi ng tripartite agreement. Nasa 20 milyong dosis ang inaasahang darating sa bansa – 13 milyong dosis ang mapupunta sa pamahalaan at 7 milyong dosis ang mapupunta sa mga miyembro ng pribadong sektor para sa mga empleyado nito.

Kamakailan ay dumating din sa bansa ang ikalawang batch ng dosis ng bakuna na binili ng Filipinas mula sa Sinovac ng China na may bilang na 500,000. Gaya ng mga naunang dosis ng bakuna na dumating sa bansa, ang dosis na ito ay pansamantalang ilalagak sa warehouse ng Metropac Movers, Inc. (MMI). Ang MMI ay ang kompanya ng MVP Group na pinamumunuan ng negosyante at pilantropong si Manny V. Pangilinan, na siyang nangangasiwa sa logistics, at ang kasalukuyang nangangalaga ng mga dosis ng bakunang pumapasok sa bansa.

Ang unang batch ng bakuna mula Sinovac na kabilang sa binili ng Filipinas  sa China ay may bilang na isang milyong dosis. Ito ay dumating noong ika-29 ng Marso. Bukod sa dalawang batch ng dosis na nabanggit, dalawang batch din ng dosis mula sa Sinovac ang naunang dumating sa bansa bilang donasyon ng China sa ating laban kontra COVID-19. Maaalalang ang unang batch ng nasabing donasyon na may bilang na 600,000 ay dumating sa bansa noong ika-28 ng Pebrero at nagbigay-daan sa pagsisimula ng pagbabakuna sa mga healthcare worker sa bansa. Ang ikalawang batch na may bilang na 400,000 ay dumating naman noong ika-24 ng Marso.

Bukod sa pagbili ng dosis ng bakuna mula sa ibang bansa, mayroon na ring plano ang pamahalaan ukol sa paggawa ng sariling bakuna sa pakikipagtulungan sa Department of Science and Technology (DOST). Ayon kay DOST Undersecretary Rowena Cristina Guevara, ang pamahalaan ay kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa anim na lokal na kompanyang parmasyutikal na may potensiyal na makagawa ng bakuna kontra COVID-19. Dalawa sa mga ito ay talagang desididong gumawa ng lokal na bersiyon ng bakuna.

“Mayroon kaming nakikita na dalawang companies na medyo mabilis, agresibo sila. If they pursue what we think are their plans based on what they have told us, parang kakayanin nilang magproduce ng vaccine by late 2022,” pahayag ni Guevara sa isang online media forum. Bagaman hindi pa pinapangalanan ang naturang mga kompanya, isang magandang balita naman ito para sa ating lahat. Kung ito ay magtutuloy-tuloy, inaasahang makagagawa na ng lokal na bersiyon ng bakuna kontra COVID-19.

Sa aking personal na opinyon, upang mabilis at tuluyang mapagtagumapayan ng Filipinas ang laban kontra COVID-19, dalawang bagay ang mahalagang mangyari. Una, kailangang magkaisa at magtulungan ang iba’t ibang sektor ng lipunan kasama ang mga ordinaryong mamamayan. Ikalawa, ang lahat ng indibidwal na kwalipikadong magpabakuna ay dapat magpabakuna sa lalong madaling panahon.

Pagkatiwalaan natin ang pamahalaan at ang mga ekspertong nagbibigay ng rekomendasyon at pahintulot ukol sa paggamit ng iba’t ibang tatak ng bakuna sa bansa. Hindi ito ang tamang panahon upang magmalaki, magdunung-dunungan, at mamolitika. Ang kailangan natin ngayon ay ang pagkakaisa upang malampasan natin bilang isang matatag na bansa ang krisis na dulot ng pandemyang ito. Kailangan natin ang bakuna bilang karagdagang proteksyon kontra COVID-19. Mahalaga rin ito para sa muli at mabilis na pagbangon ng ating ekonomiya. Huwag nating piliing mamuhay sa takot lalo na’t narito na ang mga bakuna na siyang susi sa muling pagbabalik sa normal ng ating buhay.

6 thoughts on “MAGPABAKUNA TAYO”

  1. 700636 233309His or her shape of unrealistic tats were initially threatening. Lindsay utilized gun very first basic, whereas this girl snuck outside by printer ink dog pen. I used definitely positive the all truly on the shade, with the tattoo can be taken from the body shape. make an own temporary tattoo 951821

  2. 325248 700664Aw, this was a really nice post. In thought I would like to location in writing in this way moreover – taking time and actual effort to create a really great article but what / points I say I procrastinate alot and also no indicates apparently get something done. 83298

Comments are closed.