POSIBLENG simula na ito ng malaking oportunidad para sa mga produktong Pinoy.
Ito ang buong tiwalang pahayag ni Senador Sonny Angara matapos mabigyan ng kauna-unahang geographical indication (GI) grant ang isa sa mga pamosong prutas ng Pilipinas: ang manggang Guimaras.
Bilang awtor ng Senate Bill 1868 o ang Protected Geographical Indications Act, sinabi ni Angara na ang GI grant sa Guimaras mango ay malaking pagkakataon upang makilala sa pandaigdigang merkado ang mga pananim sa bansa na may mataas na kalidad, gayundin ang iba pang produkto ng bansa.
Mababatid na kamakailan ay inaprubahan ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) ang aplikasyon ng Guimaras Mango Growers and Producers Development Cooperative (GMGPDC) sa GI registration.
Ayon sa IPOPHL, bunga ito ng isang dekadang pagpupursige ng nasabing organisasyon na mabigyang-diin na ang Guimaras mangoes ang may pinakamataas na kalidad kung ang pag-uusapan ay ang pinagdaanan nitong pagproseso ng pagtatanim, pag-aani, pag-iingat, packing at storage.
“Tayong mga Pilipino, alam natin na ‘pag sinabing Guimaras mango, matamis talaga. Isa sa pinakamatatamis na mangga sa ating bansa. At yung kalidad nito, makikita n’yo naman kung gaano kaganda at pasadong-pasado sa mga kinakailangang standard para pumasok sa merkado ng ibang bansa. At ngayong nagarantiyahan na ito sa kauna-unahang pagkakataon ng GI, malaki ang magiging pakinabang ng ating mango farmers sa Guimaras dahil siguradong tataas ang demand ng kanilang produkto at tataas din ang kanilang kita,” ani Angara.
Napag-alaman din na nakatanggap ang GMGPDC ng export offers mula sa mga bansang Czech Republic, Dubai at South Korea, matapos pumatok ang paunang dalawang toneladang Guimaras mangoes sa Switzerland noong 2022. Dagdag pa ni Angara,
“Ang GI ang nagpapatunay na talagang galing ang produkto sa orihinal na lugar na pinagmulan nito, kung saan kilala ang produkto sa reputasyon nitong dekalidad.
At dahil sa GI, lalakas ang marketing tool ng mga producer at tataas ang demand sa kanilang mga produkto.
Umaayon ito sa ating isinusulong natin na Tatak Pinoy or Proudly Pinoy advocacy dahil nilalayon natin ditong itaas ang kalidad ng mga produkto ng Pilipinas upang magkaroon naman tayo ng oportunidad na pasukin ang international markets.
Kung magkakagayon, marami tayong mga kababayang matutulungan lalo na ang mga nangangailangan ng maayos na trabaho.”
Ayon pa sa senador, sakaling maisabatas ang SBN 1868, mareresolba ang alalahanin ng GI holders hinggil sa infringement na matagal na ring problema ng iba pang lugar tulad ng European Union, dahill mapapatawan na ng kaukulang multa ang mga nasasangkot dito.
Maging ang mga producer na wala pang GI ay nakararanas din ng infringement dahil sa paglaganap ng mga produkto na umano ay gawa nila o galing sa kanilang mga lugar pero hindi naman at mababa din ang kalidad.
Sa ilalim ng panukala ni Angara, ang ‘di pinahihintulutang paggamit sa registered GIs o walang awtorisasyon mula sa registrant ay ituturing na infringement at pananabotahe sa economic interest ng estado.
Bukod sa posibleng pagsasampa ng kasong administratibo, may kaukulan ding criminal penalty na pagkabilanggo ng mula dalawa hanggang limang taon ang infringement of GIs, at pagmumulta ng mula P500,000 hanggang P1 milyon.
Ang GI registration ay isinasagawa sa pangangasiwa ng Bureau of Trademarks of IPOPHL.
-VICKY CERVALES