MAGPAPAPUTOK HULIHIN, IKULONG – AÑO

INATASAN ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año ang lahat ng local government units (LGUs), Philippine National Police (PNP), at Bureau of Fire Protection (BFP) na hulihin at ikulong ang mga nagmamanupaktura, nagbebenta at magpapaputok ng illegal firecrackers at pyrotechnic devices (FC/PDs) upang maiwasan ang mga sakuna at sunog sa pagsalubong ng Bagong Taon.

“Ang mga ayaw sumunod, huhulihin yan ng PNP. Mas mabuti pang sa kulungan sila mag Bagong Taon kaysa makadisgrasya o madisgrasya pa sila dahil sa iligal na paputok,” utos ni Año
Kasabay nito, sinabi ni Año na kailangan ding imonitor ang mga gumagawa ng ‘indiscriminate firing’ sa New Year’s eve na maaaring ikasugat o ikamatay ng mga mabibiktima.

“Maliban sa kaligtasan mula sa COVID-19, nais nating maging ligtas ang bawat isa sa iligal na paputok at indiscriminate firing. Habang papalapit ang New Year, nagsusulputan pa rin ang mga ipinagbabawal na paputok. Kaya inaatasan ko ang PNP na doblehin ang pagmomonitor at pag-iinspeksyon para siguruhing hindi kakalat sa merkado at walang gagamit o madidisgrasya sa iligal na paputok,” giit ng kalihim.

Binigyang-diin ni Año na bagamat bumababa na ang kaso ng COVID sa National Capital Region (NCR) ay hindi pa dapat magpakampante kaya payo niya sa mga LGUs, PNP, at BFP na tiyaking sumusunod pa rin sa health protocol ang mga tao, maging sa paggamit ng firecrackers sa New Year’s Eve celebration.

Ang mga mahuhuling nagbebenta, nagmamanupaktura, namamahagi o gumagamit ng illegal firecracker at pyrotechnic devices ay pagmumultahin ng P20,000 hanggang P30,000, pagkakulong ng anim na buwan hangang isang taon, kanselasyon ng license at business permit, at kukumpiskahin ang mga inventory stocks.

Kabilang sa mga ipinagbabawal na gamitin sa pagsalubong sa 2022 ay ang Watusi, Piccolo, Poppop, Five Star, Pla-pla, Lolo Thunder, Giant Bawang, Giant Whistle Bomb, Atomic Bomb, Super Lolo, Atomic Triangle, Goodbye Bading, Large-size Judas Belt, Goodbye Philippines, Goodbye Delima, Bin Laden, Hello Columbia, Mother Rockets, Goodbye Napoles, Coke-in-Can, Super Yolanda, Pillbox, Mother Rockets, Boga, Kwiton, at Kabasi.

Ang iba pang uri ng FC/PDs na ipinagbabawal ay ang mga ‘overweight’ at oversized, ang lahat ng imported finished products, maging ang mga unlabeled locally-made products.

“We encourage people to use regulated firecrackers in designated areas only. The police is authorized to confiscate and destroy prohibited firecrackers and pyrotechnic devices as well as firecrackers used outside of community fireworks displays,” dagdag pa ng DILG chief. EVELYN GARCIA