BINALAAN kahapon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na kanyang ipapaaresto ang mga lalabag o mahuhuling nagpapatuloy pa rin ng operasyon ng “e-sabong” o online cockfighting sa kabila nang kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte na itigil na ang nasabing sugal.
“Wala namang sophistication diyan sa utos ng Pangulo. Pag sinabi ng Chief Executive na hindi na pupuwede ito, at ito naman ay ayon sa kapangyarihan ng ating Pangulo, ipatutupad natin yan,” ayon kay Año sa isang panayam.
“‘Pag sinabing stop, stop na ‘yan. Wala nang mga anumang technicalities o anumang justifications.
Ganun lang siya kasimple. Kung hindi ka susunod, eh di mananagot ka sa batas at expect mo na magkakaron tayo ng mga pag-aresto diyan sa mga hindi susunod,” giit pa ng kalihim.
Binigyang-diin ni Año na ang naging desisyon ni Duterte ay kasunod na rin nang isinagawang survey ng DILG noong Abril 19 ukol sa e-sabong operations, kung saan ay isinisisi sa pagkasira ng pamilya ng maraming Pilipinong nalululon sa sugal.
Aniya, sa resulta ng survey, 68 prosyento ng mga respondents ang lubos na hindi sumasang-ayon na ang e-sabong ay nakakatulong sa kanilang pananalapi.
Samantala, 62% naman ang pabor na ipatigil na ang e-sabong, 34% naman ang nagsabing ipagpatuloy at magpatupad na lamang ng mga regulasyon, habang ang natitirang 4% ay nagpahayag na nais na ipagpatuloy kahit walang regulasyon.
“‘Yung pinakamatindi dito ‘yung moral issues tulad ng addiction. Sobra talaga ‘pag nalulong sa e-sabong.
Hahanap ng pera, ibebenta ‘yung bahay, lupa, kahit anong gamit,” giit ni Año.
Ani Año, ang kanilang rekomendasyon na itigil ang e-sabong operations ay dahil na rin sa misteryosong pagkawala ng may 34 na mga sabungero, karamihan sa kanila ay sangkot sa “game rigging’ o pandaraya.
Inaasahan din ng kalihim na kung sinoman ang ang susunod na administrasyon ay makikita nito ang importansiya sa naging desisyon ni Duterte na ipahinto na ang e-sabong operations.
“Sa tingin ko naman, kung sino ang susunod na administration, baka naman makikita niya ang importansya ng desisyon Pangulong Duterte at ipagpatuloy ang ginawa niya. Abangan na lang natin,” dagdag pa ng DILG chief. EVELYN GARCIA