ILANG araw na lamang ay patapos na ang kalahati ng taon. Ito ay nangangahulugan na nalalapit na rin ang susunod na eleksiyon na nakatakdang idaos sa buwan ng Mayo ng taong 2022. Kaugnay nito, ang lahat ng maaaring bumoto ay hinihikayat na magparehistro bago sumapit ang huling araw ng pagpaparehistro na nakatakda sa ika-30 ng Setyembre.
Noong nakaraang linggo ay inanunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) na nalampasan na nito ang kanilang target na bilang ng bagong botante para sa eleksiyon sa Mayo 2022. Ayon kay Comelec Director for Operations Teopisto Elnas Jr., higit sa apat na milyong bagong botante ang nairehistro ng komisyon. Umabot sa 4,863,455 na bagong botante ang naitala ng komisyon. Kabilang dito ang 500,000 na bilang ng botanteng nagpa-reactivate ng kanilang rekord upang muling makaboto. Inaasahang tataas pa ang bilang na ito sa mga huling araw ng pagpaparehistro.
Ayon kay Elnas, nasa 60 milyong Filipino na ang nakareshistrong bumoto para sa susunod na eleksiyon. Nasa 7 milyon naman ang nananatiling deactivated ang estado ng rehistro. Ayon sa Comelec, ang rehistro ng isang indibidwal ay awtomatikong nagiging deactivated ang estado kapag hindi ito nakaboto sa dalawang magkasunod na eleksiyon.
Aminado ang Comelec na matinding pagsubok ang kanilang kinakaharap pagdating sa pagsasagawa ng satellite registration dahil sa pandemyang COVID-19. Ayon sa kanilang datos noong ika-7 ng Hunyo, nasa 18,945 na satellite registration site pa lamang ang kanilang naitayo. Lubhang mas mababa ang bilang na ito kumpara sa 52,482 na satellite registration site na kanilang naitayo noong eleksiyon ng taong 2019. Sa kabila naman nito ay siniguro ni Elnas na ginagawa ng komisyon ang lahat upang mas pagbutihin ang kanilang trabaho.
Bahagi ng plano ng Comelec ang magtayo ng mga espesyal na registration site para sa mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), mga buntis, at mga katutubo. Nakikipag-ugnayan din ang komisyon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at iba pang mga pasilidad para sa pagpaparehistro ng mga indibidwal na nakakulong.
Magandang balita naman na sa bisa ng House Resolution 1796, inaprubahan ng Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang panukala ng Comelec ukol sa pagtatayo ng karagdagang satellite registration site.
Para naman sa mga botanteng nasa ibang bansa, pinoproseso ng komisyon ang kahilingan nitong maisagawa ang field at mobile na pagpaparehistro sa iba’t ibang opisina ng konsulado. Layunin nitong makapagparehistro ng 1.6 milyong botanteng Filipino na nasa ibang bansa. Ayon sa kanilang datos noong ika-19 ng Mayo, nasa 1.42 milyon ang bilang ng mga rehistradong botante na nasa ibang bansa. Ito ang kabuuang bilang matapos magsagawa ng paglilinis ng datos ang Comelec. Tinanggal nito ang mga dobleng rehistro na nakita nila sa kanilang rekord.
Umapela rin si Comelec Commissioner Rowena Guanzon sa mga Katolikong paaralan na makiisa sa kanilang pagsusumikap na hikayating magparehistro ang kabataang kwalipikadong bumoto. Hinihikayat ni Guanzon ang mga Katolikong paaralan na hikayatin ang mga mag-aaral nito na magparehistro nang magkakasama. Upang hindi makaabala sa iksedyul ng mga mag-aaral, maaari raw itong gawin ng Sabado dahil bukas din tuwing Sabado ang mga satellite registration site.
Bagaman nais namang tumulong ng mga Katolikong paaralan, ipinaliwanag ni Caritas National Director Bishop Jose Colin Bagaforo na hindi magiging madali para sa kanila na gawin ito dahil sa pandemyang COVID-19. Wala pa ring pisikal na klase sa kasalukuyan.
Upang makatulong sa paghihikayat na magparehistro, isang kampanya naman ang inilunsad ng Junior Chamber International (JCI) Philippines, ang unang leadership development organization na itinatag sa Asya. Ang kampanya ay tinawag nilang #AmbagKo. Rehistro. Boto.
Layunin ng kampanya ang mahikayat ang mga indibidwal na kwalipikadong bumoto, partikular na ang mga millennial at Gen Z, na bumoto sa susunod na eleksiyon. Bahagi rin ng layunin ng kampanya ang matugunan ang suliranin sa mababang turnout ng botohan noong mga nakaraang eleksiyon sa pamamagitan ng pagbibigay impormasyon ukol sa kahalagahan ng pagpaparehistro at ng pagboto.
Malaki at mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga millennial at ng mga Gen Z. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) at ng Comelec, nasa 40 milyon ang botante na may edad na 18 hanggang 35 taong gulang. Ibig sabihin, sila ang bumubuo sa 37% ng populasyon ng indibidwal na maaaring bumoto.
Ang nabanggit na kampanya ay hinati sa dalawang yugto – Rehistro at Boto. Ang Rehistro ay tatakbo mula Hunyo hanggang Oktubre. Ang Boto naman ay magsisimula sa Nobyembre 2021 hanggang April 2022. Bagama’t online lamang ang kampanya, pagsusumikapan naman ng JCI na maabot ang mga kwalipikadong botante saan man silang bahagi ng mundo.
Ang pagpaparehistro ay unang hakbang pa lamang. Ang tunay na ambag natin sa pag-unlad at pagsulong ng ating bansa ay magaganap lamang kapag ginamit na natin ang ating karapatan na bumoto at magluklok ng mga bagong lider ng bansa sa susunod na eleksyon.
Nawa’y tulungan din natin ang pamahalaan. Tayo ay magparehistro upang makaboto sa susunod na eleksiyon. Ang pagboto ay bahagi ng ating karapatan bilang mamamayan ng Filipinas.
Karapatan nating mamili ng lider na sa tingin natin ay makatutulong sa pag-unlad ng bansa. Bagama’t hindi tayo sapilitang pinaboboto, nawa’y ituring natin ito bilang obligasyon sa ating bayan. Kung tunay na may pakialam, makiisa sa pagluluklok ng karapat-dapat na mga lider ng bansa. Bumoto tayo para sa pagbabago. Bumoto tayo para sa kinabukasan ng susunod na henerasyon. Magparehistro at bumoto.
378101 889617you could have an ideal weblog correct here! would you prefer to make some invite posts on my weblog? 967448
783385 63918hello good website i will definaely come back and see again. 431
921590 635394Really instructive and excellent bodily structure of subject matter, now thats user pleasant (:. 50479