CAVITE – SIGURADONG magpapasko sa detention facility ang magpinsang dog breeder makaraang makumpiskahan ng P20.4 milyong halaga na shabu sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng Special Operation Units 8 ng PNP Drugs Enforcement Groups sa bahagi ng Brgy. Langkaan 1, Dasmarinas City ng lalawigang ito kahapon.
Isinailalim na sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Joshua Legaspi, 34-anyos; at Rainer Rebonario, 25-anyos, kapwa nakatira sa Tierra Vista Subd. sa nasabing barangay
Lumilitaw sa inisyal na ulat ni P/ Brig. Gen. Ronald Lee, ilang linggong isinailalim sa surveillance ang magpinsan kung saan ginagawang front ng kanilang drug trade ay breeding ng mga dekalidad na aso.
Sa pakikipag-ugnayan ng PNP-DEG sa mga operatiba ng Police Dasmarinas ay isinagawa ang buy- bust operation kung saan nasamsam ang 3 plastic pack na shabu na tumitimbang na 3 kilo at may street value na P20.4 milyon, P1 milyong marked money, rifle at mga bala.
Isinumite na sa PNP Crime Laboratory ang nasamsam na shabu para sa chemical analysis habang pina- drug test ang mga suspek na sasampahan ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 sa prosecutor’s office.
Magugunita na noong Sabado ng gabi ay nasakote naman ang dalawang drug courier na sina Marlon Salik Bayan, 32-anyos ng Brgy. Man- Ogob, San Vicente, Camarines Sur; at Guimalon Lampang Ebrahim, 27-anyos ng Talisay, Maguindanao.
Nasamsam sa mga suspek ang 8 plastic packs na shabu na may street value na P54 milyon, buy bust money at itim na Ford Ranger na may plakang NED9942 kung saan naganap ang drug bust operation ng PNP-DEG na nasa parking lot ng mall sa Bicutan, Paranaque City. MHAR BASCO
Comments are closed.