QUEZON- DEAD on arrival sa pagamutan ang isang second year high school na estudyante at ang pinsan nitong may- ari ng vulcanizing shop makaraang pagbabarilin ng dalawang lalaki sa Sitio Baloyboy, Barangay Masin Sur, Candelaria sa lalawigang ito.
Sa inisyal report ng Candelaria police office, kinilala ang mga biktima na sina Alexander Perez, 43-anyos at Jimber Perez, 26-anyos na kapwa mga residente sa lugar.
Sa pahayag ni Lt.Col. Dennis de Leon, chief of police ng Candelaria, nakatayo umano si Jimber sa tapat ng talyer ng pinsan nito nang biglang dumating ang mga suspek na sina John Peter de Villa at Romnick Pasahol dakong alas-8:20 ng gabi.
Pagkaparada umano ng motor ng mga suspek ay mabilis umanong bumunot ng baril si De Villa at binaril si Jimber sa dibdib at mukha nito.
Agad naman umanong nakatakbo si Alexander subalit hinabol ito ni De Villa at nang maabutan ay binaril din ito sa kaliwang balikat na tumagos sa kili- kili.
Nagsilbi naman look-out si Pasahol habang isinasagawa ni De Villa ang pagpatay sa mga biktima.
Ayon sa mga residente sa lugar, mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.
Naisugod sa Peter Paul Medical Center ang dalawang biktima subalit idineklarang dead on arrival ange mga ito.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya matagal ng alitan sa pagitan ng dalawang grupo ang naging motibo sa naturang pamamaril. ARMAN CAMBE