ILOILO-KAPWA inabot ng dagliang kamatayan ang magpinsan matapos barilin ng kanilang tiyuhin sa Barangay Poblacion Ilaya, Lambunao sa lalawigang ito.
Kinilala ng Lambunao Municipal Police Station ang mga nasawi sa pamamaril na sina Ramil Opiane, 51-anyos at Joven Besite, 41-anyos.
Nahaharap naman sa kasong double homicide ang suspek na si Gil Casiple 63-anyos, residente ng nabangit na barangay.
Base sa ulat na ibinahagi ni Major Jogen Suegay, hepe ng Lambunao PNP na kasalukuyang nakikipag-inuman ang suspek sa sa isang tindahan nang puntahan ng magpinsan na kapwa mga nakainom din.
Dito nagkaroon umanong pagtatalo kaugnay sa matandang alitan nila sa lupa.
Hanggang sa sinakal umano ni Opiane ang kanyang tiyuhin na lingid sa kanila ay armado ng kalibre 45 pistola kaya nang bumunot ay agad itong pinaputukan at nahagip sa dibdib.
Sinubukang mamagitan ni Besite sa dalawa subalit maging siya ay binaril din ng suspek na naging sanhi ng kanilang kamatayan. VERLIN RUIZ