MAGSASAKA, AGRI WORKERS KABILANG SA MAKABAGONG BAYANI

PARA kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga magsasaka at agricultural workers ang kabilang sa mga makabagong bayani ngayong ginugunita ang mga Pambansang Bayani.

Ang dalawang uri ng mga kawani ay kabilang sa mga dati nang itinuring na modern heroes gaya ng overseas Filipino workers na nagpapalakas ng ekonomiya, mga guro na naglilinang ng kaalaman, mga health worker na katuwang ng Pilipinas sa COVID-19 response, civil group, pulis at mga sundalo na tumitiyak ng seguridad.

Pinangunahan ni PBBM ang National Heroes’ Day sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City habang isa sa highlight ang paggunita sa mga nasawing sundalo at mga naging Pangulo ng Pilipinas.

Maging ang mga beterano ay tampok sa nasabing pagdiriwang habang itinuring nito na malaking karangalan ang makapiling niya ang mga ito sa lahat sa pagdriwang ng araw ng mga bayani.

“Sa ating pagdiriwang ngayon, inaalala rin natin ang kabayanihan ng mga beteranong nakipaglaban nu’ng panahon ng digmaan. Makakaasa kayo na ang pamahalaang ito ay mananatiling aktibo sa pagsusulong ng mga programang tutugon sa inyong mga pangangailangan lalo na para sa kanilang mga rekisitong pangkalusugan,” pahayag ni PBBM sa mga beterano.

Sinabi pa ni PBBM na kaisa ang Philippine Veterans Affairs Office ay magpapatayo ng mga ospital sa Visayas at Mindanao na ilalaan para sa mga beterano.

Idiniin ng Pangulo na panatag na naitataguyod ang ating sarili at ang ating bansa ngayon dahil sa mga dakilang bayani ng ating bayan. kaya ang pagtitipon ay buong lugod na kinikilala ang ipinamalas nilang tapang, malasakit at pag-ibig sa ating tinubuang lupa.

Aniya, kinikilala ng kanyang liderato ang sakripisyo ng mga modernong bayani, gumaan ang mga suliranin pinapasanan natin sa buhay at sa lipunan. Inialay nila ang kanilang lakas at kakayahan hindi para sa papuri o gatimpala kundi upang pagtibayin ang diwa ng pagkakaisa at upang makamit ang ating mga pangarap para sa bayan.

Kinikilala rin ang mga magsasaka, agricultural workers na buong araw ay nagsisikap upang matugunan ang mga pangangailangan para sa seguridad ng suplay ng pagkain.

“Kung hindi dahil sa kanila, wala tayong pagkaing maihahain sa ating mga pamilya. Tunay silang mga bayani kailanman.,” papuri ni PBBM sa mga magsasaka.

Pinasasalamatan din ng Punong Ehekutibo ang mga sektor ng kalakalan at industriya na nangunguna sa landas tungo sa maunlad na ekonomiya. May mga hamon man tayong hinaharap sa nagdaang dalawang taon patuloy pa rin nilang binuksan ang kanilang mga negosyo para sa publiko.

Kahanga-hanga rin aniya ang kanilang pakikiisa sa ating pamahalaan lalo na may mga negosyong matapat na nagbabayad ng kanilang empleyado kahit na nauubusan na ang kanilang pondo.
EVELYN QUIROZ