MAGSASAKA IPINAKULONG SA PANGGAGAHASA

LAGUNA – Bumagsak sa kamay ng mga kagawad ng Sta. Cruz PNP Warrant Operatives ang 40-anyos na magsasaka makaraan ang walong buwan pagtatago nito sa batas kaugnay ng kinasasangkutan nitong kasong rape sa Brgy. Gatid ng bayang ito.

Base sa ulat ni Sta. Cruz Chief of Police PLt. Col. Chitadel Gaoiran, nakilala ang suspek na si Eric Balion, may asawa, napapabilang sa Most Wanted Person, Ranked Number 1, Municipal Level, residente ng Sitio Butuanan lugar na ito.

Bandang alas 10:35 ng gabi ng magkasa ng Operation Manhunt Charlie ang mga tauhan ni Gaoiran na pinamunuan ni Warrant Personnel PMSg Rex Cabrera, PCpl. Algy Riguer at PCpl. Melvin Belen.

Bitbit ng pulisya ang Warrant of Arrest na ipinalabas ni Hon. Judge Mary Jean Tibo Cajandab, Presiding Judge RTC Br 26, Sta. Cruz Laguna ng magsagawa ang mga ito ng operasyon kaugnay ng kinasasangkutan kasong Anti-Rape Law of 1997 (RA-8353) ng suspek kasunod ang isinagawang pag-aresto.

Sinasabing sa harap mismo ng kanyang pamilya inaresto at pinosasan ng pulisya ang suspek habang aktong pinabubulaanan nito ang naturang kaso.

Ayon sa resulta ng isinagawang pagsisiyasat, lumilitaw na nakaraang buwan ng Enero ng maganap ang insidente habang aktong naglalaro sa likurang bahagi ng kanilang bahay ang 13 anyos na biktima, isang special child, ng puwersahang bitbitin ito ng suspek sa kanyang tirahan bago isinagawa ang makamundo nitong pagnanasa.

Dahil sa takot, hindi na nagawa pang makasigaw ng biktima kung saan nagawa rin nitong ipagtapat sa kanyang mga magulang ang insidente sa kabila ng may problema ito sa kanyang pag-iisip.
DICK GARAY

Comments are closed.