KINAYANG abutin ng isang mahirap na magsasaka ang kanyang childhood dream na maging engineer sa kabila ng pagsuko ng kanyang mga magulang na mapag-aral pa siya pagkatapos ng high school.
Sa tulong ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Dual tech Center ay naabot ni Ibrhaim A. Palmado alias Brian, 34-anyos, taga-Tayabas, Quezon ang kanyang pangarap na magkaroon ng magandang buhay.
Ayon kay Brian, sobrang hirap ng kanilang buhay dahil pagsasaka lamang ang kanilang ikinabubuhay at ang kanyang ina ay nagsa-sideline maglabada. Nakatitikim lamang umano sila ng masarap na pagkain tuwing tag-ani at maghihintay sila ng apat na buwan para muling makakain ng masarap.
Pangalawa umano siya sa tatlong magkakapatid.
Aniya, bago siya magtapos ng high school sa Luis Palad National High School (LPNHS) noong 2000, sinabihan na siya ng kanyang mga magulang na hindi na siya mapag-aaral sa kolehiyo, “magbukid ka na lang, wala na kaming maibibigay sa iyo”.
“So, nag-decide ako mismo sa sarili ko na sumama sa mga kaklase ko noon na mag-take ng exam sa TESDA,” halos mapaluhang paglalahad ni Brian.
Naisip n’ya agad ang TESDA dahil naririnig na n’ya sa iskul na ang TESDA ay sumusuporta sa mga estudyante, sa mga kabataan na nangangarap na walang kakayahan o pagkakataon na makapag-aral sa university. Isa pa, tatlong buwan bago ang kanilang graduation sa high school, may pumupunta sa kanilang iskul na mga taga-gobyerno na nag-aalok ng scholarship ng TESDA.
“TESDA scholarship lang talaga ang hope ko na dala ko para sa pangarap ko, nag-iisang ladder na meron lang ako, na iyon lang ang gate na open sa akin noong time na yon,”ayon kay Brian.
Sa libo-libong mga estudyante na nangangarap na pumasa sa TESDA exam, isa umano siya sa mga masusuwerte at naging scholar ng TESDA sa Dualtech Center.
Labis din ang pasasalamat nito sa kanyang kuya na naging supportive sa kanyang pangarap. Namasukan ito bilang isang security guard at siyang nagbibigay ng kanyang allowance.
Nag-enroll at nagtapos siya ng kursong Electro Mechanic sa Dualtech Center noong 2002.
Pagkatapos nitong mag-graduate ay kinuha agad siya ng isang kompanya. Ang unang sahod umano niya ay ginamit nito para magpalagay ng kuryente sa kanilang bahay at pagkalipas ng tatlong buwan ay nakabili na siya ng 2nd hand na telebisyon.
Sinabi ni Brian na ang bahay nila dati ay isang dampa, na parang isang pahingahan lamang ng mga magsasaka sa bukid, ngayon isa na itong bato na masasabi na nasa middle class ang pamumuhay.
Dahil sa mga promosyon sa trabaho, nag-aral siya noong 2010 sa Manuel S. Enverga University Foundation sa Lucena City sa kursong mechanical engineering. At noong 2014, kumuha siya ng master degree sa Laguna College of Business and Arts.
Sa kasalukuyan, isa na siyang Environmental and Safety Senior Engineer sa BAG Electronics Inc., isang German company.
“Isa ako sa nagpo-promote ng tech-voc courses , kasi alam ko sa sarili ko na ito ang magandang paraan para mabago ang pamumuhay ng mga kasama kong mahihirap,” pagtatapos ni Brian.
Comments are closed.