PANGASINAN- PATAY ang 54-anyos na magsasaka matapos magulungan ng harvester sa palayan sa Brgy. Fulgosino Sitio Digap sa bayan ng Umingan ng lalawigang ito.
Kinilala ni Major. Arnold Soriano, chief of police ng Umingan Police Station ang biktimang si Zaldy Linde Silapan, residente ng nabanggit na lugar.
Sa isinagawang imbestigasyon, kakatapos lamang umanong mag-ani ng palay ang biktima kasama ang dalawa pa nitong kasamahan nang magdesisyon ang tatlo na lumipat sila sa isa pang palayan at habang nasa proseso ng pag-akyat sa isang mataas na bahagi, nagkaroon umano ng depekto sa makina ang harvester na siyang dahilan upang tumalon ang biktima sa Harvester.
Sa pagtalon ng biktima ay kasabay naman ng pag-urong ng harvester/reaper na naging dahilan ng pagkaipit nito.
Sinubukan tulungan ang biktima ng kanyang mga kasamahan ngunit nagtamo ito ng matinding sugat sa kanyang katawan.
Agad namang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima, subalit binawian na din ito ng buhay. EVELYN GARCIA