PINARANGALAN ang mga magsasaka at mangingisda sa Nueva Vizcaya noong Sabado bilang bahagi ng kanilang pagdiriwang ng Farmers and Fisherfolk’s Month.
Ang okasyon ang kauna-unahang pagdiriwang para sa Farmers and Fisherfolk’s Day (FFD) sa provincial capitol, na bahagi ng post-celebration activities sa ilalim ng Grand Ammungan Festival.
Sinabi ni Johnny Liban, chairman para sa agriculture ng Sangguniang Panlalawigan, na ang selebrasyon ay isinagawa alinsunod sa ordinansa na nagde-declare na ang buwan ng Mayo ay ilalaan para kilalanin ang mga nagagawa ng magsasaka at mangingisda.
“There are many proclamations already for other sectors in the society but it does not include specifically farmers that is why we made this ordinance,” ayon pa kay Liban.
Sinabi ni Governor Carlos Padilla na ang FFD ay naglalayong kilalanin ang ambag at kahalagahan ng mga magsasaka at mangingisda sa nasabing lalawigan na batay sa datos, ito ang pinagkukuhanan ng kabuhayan doon.
“Basically, our province is an agricultural area that is why we rely more on agriculture which is being nourished by our farmers,” dagdag pa ni Padilla.
Hinangaan din ni Padilla ang mga magsasaka dahil sa kalidad na bigas, mais, gulay, prutas, isda at iba pang yamang dagat na naipo-produce sa merkado.
Sa mga nakalipas na taon, ang probinsya rin ang nakatanggap ng incentives mula sa Search for Quality Rice Achievers and Quality Corn Awards na programa ng Department of Agriculture. EUNICE C.
Comments are closed.