MAGSAYO BAGONG WBC FEATHERWEIGHT CHAMP

ISA na ngayong world champion si Filipino boxer Mark Magsayo.

Nakopo ni Magsayo ang WBC featherweight title nitong Linggo makaraang madominahan si Gary Russell Jr. sa kapana-panabik na bakbakan na idinaos sa Borgata Hotel Casino and Spa sa Atlantic City, New Jersey.

Namayani ang Tacloban-born boxer sa majority decision, kung saan dalawang judges ang nagbigay ng iskor na 115-113 pabor sa Pinoy at isang judge ang nagbigay ng 114-all.

“This is my dream since I was a kid, since I’m an amateur. Now I’m a professional (boxer), I am finally now a world champion,” pahayag ni Magsayo sa  post-fight interview.

Nagpakawala si Magsayo ng powerful body shots sa mga unang rounds ng laban, kung saan napansin ng Pinoy ang iniindang right shoulder injury ng katunggali.

“That’s a little bit of advantage for me because he’s only using one hand and this is my opportunity to follow him through with my punches,” ani Magsayo.

May mga pagkakataong nangibabaw ang American pugilist sa laban kung saan tumama ang ilan niyang malalakas na suntok kay Magsayo.

Nakontrol ng 26-anyos na si Magsayo si Russell sa final rounds sa pamamagitan ng malalakas na hooks at mga pamatay na kumbinasyon upang masiguro ang kanyang milestone win.

Ibinunyag ni Russell matapos ang laban na nagtamo siya ng injury sa kanang balikat, dalawang linggo na ang nakalilipas sa kanyang training camp, subalit hindi nito napigilan ang pagsagupa niya kay Magsayo.

“I couldn’t use my right arm, but I was still able to throw effective shots,” ani Russell.

Sa panalo ay napanatili ni Magsayo ang kanyang malinis na kartada sa 24-0 na may kasamang 16 knockouts.