INAASAHANG magpupulong at maghaharap ang mga itinalagang miyembro ng independent 5-man advisory group na siyang susuri sa inihaing courtesy resignations ng mahigit 900 police colonels at generals sa susunod na Linggo.
Ito ang inamin ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, unang pinangalanang miyembro ng advisory group at ang unang guidance na ibinigay ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ay magtalaga ng tagapagsalita mula sa Philippine National Police (PNP).
At habang wala pang napipiling spokesperson, si Abalos na muna ang magbibigay ng update sa ginagawa evaluation and assessment sa publiko.
“Siguro next week kami magco-convene, right now ang guidance ni Sec. Benhur Abalos is magkakaroon kami ng isang spokesperson coming from the PNP kaya siya na ang magsasalita para makapag focus kami doon sa aming ginagawa,” ayon kay Magalong.
Nauna nang sinabi ni Abalos na aabot sa tatlong buwan ang resulta ng kanilang evaluation and assessment sa CR ng mga PNP officer.
Nitong Pebrero 1 ay pinangalanan na ang apat sa limang miyembro ng advisory group na bukod kay Magalong ay kasama sina dating Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr.; retired MGen. Isagani Nievez at PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. EUNICE CELARIO