INIUTOS na ng Commission on Elections (Comelec) sa service provider nito na Smartmatic International ang pagsusumite ng ulat hinggil sa umano’y security breach sa kanilang operasyon.
Inatasan na ni Comelec chairperson Saidamen Pangarungan si Executive Director Bartolome Sinocruz na kunin ang pahayag ng Smartmatic hinggil sa alegasyon na unang lumutang sa pagdinig ng Joint Congressional Oversight Committee (JCOC) on the Automated Election System (AES).
Nais din ni Pangarungan na mahigpit na makipag-ugnayan ang Comelec sa National Bureau of Investigation na nagsisiyasat na sa isyu ng security breach.
Kasabay nito, pinakilos ng Comelec chair ang Law Department upang pag-aralan ang kontrata sa Smartmatic at maglatag ng kaukulang aksiyon alinsunod sa batas at jurisprudence.
Pinababalangkas na rin ang plano upang hindi na maulit ang katulad na kontrobersiya.
“We also directed the Law Department to conduct a review of the contract with Smartmatic and to advise the courses of action to be taken by the Commission as may be provided by law and jurisprudence,” dagdag ni Pangarungan.
Binigyang-diin ni Pangarungan na ilan lamang ito sa mga hakbang na ginagawa ng Comelec sa layong maprotektahan ang integridad ng poll body at ang boto ng taumbayan.
“I would also like to reiterate that these measures are just a few of the measures that the Comelec has been instituting in performing our mandate in protecting the sanctity of the vote, since my appointment,” pahayag pa ni Pangarungan. Jeff Gallos