CAVITE – UMAABOT sa P1.7 milyong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nasamsam sa magkarelasyong nasa drug watchlist makaraang isagawa ang anti-drug operation ng mga operatiba ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency sa bahagi ng Barangay Maliksi 1, Bacoor City noong Huwebes.
Isinailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na sina alyas Etchol, 26-anyos; at Jovi, 26-anyos, entertainer, na kapwa nakatira sa nabanggit na barangay.
Base sa ulat ng pulisya na isinumite sa Camp General Pantaleon Garcia, lumilitaw na kilalang drug courier ang mga suspek na dumayo pa sa nasabing barangay para sa kanilang drug trade.
Lingid sa kaalaman ng magsyota, nakatunog ang ilang informante ng awtoridad kaya naipaabot kaagad sa himpilan ng Drug Enforcement Unit ng Bacoor-PNP sa pangunguna ni P/Lt Col. Vicente Abatingan at sa pakikipag-ugnayan sa PDEA 4A sa pangunguna naman ni Agent Lyne Nitro ay isinagawa ang simultaneous anti-criminality law enforcement at anti-drug operation.
Kaagad namang nasakote ang magsyota na nakumpiskahan ng 262.7 gramo ng marijuana na nasa 4 zip-lock transparent plastic sachets, 2 piraso ng tube pipe, disposable lighter at P500 marked money na ginamit sa drug bust operation.
Ayon sa pulisya, aabot sa P1,786,360 ang street value ng pinatuyong dahon ng marijuana na sinasabing naipuslit mula sa bahagi ng Mt. Province kung saan isasailalim sa chemical analysis sa Cavite Provincial Crime Laboratory Office sa Imus City na gagamiting ebidensiya sa kasong paglabag sa RA 9165 laban sa mga suspek. MHAR BASCO
Comments are closed.