CAVITE – AABOT sa 4 kilong pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P400K ang nadiskubre sa apartment na inakupahan ng magsyota bago abandonahin noong Huwebes ng hapon sa Sito Hanopol, Brgy. Kaong sa bayan ng Silang sa lalawigang ito.
Sa police report na isinumite kay Cavite provincial director Col Christopher F Olazo ng Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, nadiskubre ang 4 kilong marijuana sa apartment na dating inakupahan ng mga suspek na sina Victor Jerric Bautista y Apoderado, 27-anyos at Carmina Recla y De Paz, 28-anyos kung saan nasakote naman sa buy-bust operation ng Cavite City Police Station sa Brgy. 43, Cavite City.
Sa pahayag ni Ms. Ann sa pulisya na inupahan ng mga suspek ang isa sa kuwarto ng kanyang apartment noong Oktubre 1, 2022 kung saan huling namataan ang dalawa noong Nobyembre 24, 2022.
Napag-alamang nakalipas ng 2 linggo na hindi makontak at balita na babalik pa ay nagdesisyon si Ms Ann na buksan ang kuwarto ng dalawa kung saan bumungad sa may-ari ang isang backpack na naglalaman ng 4 bricks ng pinatuyong dahon ng marijuana .
Dito na dumulog sa himpilan ng pulisya si Ms Ann para ipagbigay-alam ang nadiskubreng illegal drugs kung saan kaagad na tinungo ng mga tauhan ni Lt. Col Romulo Dela Rea ang nasabing lugar.
“Hanga ako sa katapangan ng isang ginang na ipinagbigay alam ang pagkakadiskubre sa iligal na droga kung saan Ito ay isang patunay na ang Kapulisan, Simbahan at Pamayanan (Kasimbayanan) ay nagkaisa sa pagsugpo ng laganap na illegal drugs” pahayag ni Olazo. MHAR BASCO