MAGTAGUMPAY BILANG ENTREPRENEUR HABANG NASA BIYAHE (AT SA HARAP NG MATRAPIK NA SIYUDAD!)

homer nievera

NITONG nakaraang linggo, kagagaling ko lang sa mahabang bakasyon kung saan tatlong bansa ang aking pinunatahan kasama ang aking maybahay. Isang buwang bakasyon na rin iyong maituturing.

Mayroon akong iba’t ibang negosyo na kaila­ngan ng aking personal na atensiyon sa araw-araw. Ang isa rito, halos 24/7 ang kailangang oras sa akin.

Noong dumating naman ako noong isang linggo, nasabak agad ako sa mga miting. Ang ‘di ko alintana, dahil nasanay ako sa maayos na biyahe sa ibang bansa, tila nanibago ako sa mga trapik na aking nadatnan. ‘Yun lang, kahit paano, nakapaghanda ako.

Pero teka. ‘Di ba isang buwan na nasa bakasyon ako at laging nasa biyahe? Paano na lang ang personal na atensiyon na kailangan ko sa mga ito? Paano ako naka-adjust agad sa loob ng ilang araw sa trapik?

Narito ang ilang bagay na maaari niyong mapulot bilang tips para kung nakabiyahe man kayo o dahil sobrang trapik sa Metro Manila (at saan man gaya ng Cebu!).

#1 Yakapin ang Katotohanan

Ang unang dapat mong gawin ay ang pagyakap sa katotohanan na sadyang matrapik na sa siyudad, lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan. Mag­reklamo ka man, tandaan na ang mga kabi-kabilang sale ng malls ay kasama sa kanilang negosyo at napag-isipan na nilang mabuti ‘yan. Ang trapik sa kanila ay tila paraan na rin ng marketing – positibo man o negatibo ang dating nito sa kostumer.

At tayo naman bilang maliit na negosyante ay nararapat lamang na umayon sa sitwasyon at gawing positibo ang isipan at aksiyon.

#2 Ang butihing Smartphone

Malaking pasalamat na lang sa aking buti­hing smartphone. Naka-Android po ako at ang gamit ko ay ang brand na Huawei. Sadyang mabilis ang phone na ito at dahil Android, maraming apps ang puwedeng paggamitan na libre. Dahil na rin ito’y smartphone, madaling magamit sa negosyo man o sa pagbiyahe bilang turista. Napakaganda po kasi ng kanyang camera (likod man o harap) na nagagamit ko sa maraming bagay. Kung nasa bakasyon, magaganda ang mga litrato at video habang sobrang laki ng memory nito (128GB) at mahabang gamitan ang baterya. Ang sikreto naman ay kung buong araw kang nasa labas, magdala ka lang ng magaan na portable na charger. Ang 10,000 na mAH ay ok na.

Heto pa. Noong nasa Europe ako, wala akong dalang laptop. Dahil ako’y manunulat para sa iba’t ibang blog, kailangan kong maging nasa oras sa pagbibigay ng aking mga artikulo man o column (gaya nito). Sa pamamagitan ng Notes (o Notepad) sa aking smartphone, kaya ko nang magsulat at isumite kapag may wifi na. Madalas kasi, mga ilang oras din ang biyahe sa iba’t ibang lugar doon.

#3 Apps

Sa pagsalang mo sa daan sa Metro Manila, malamang, may gamit kang app na Waze, ‘di ba? Paano naman, mas alam ng Waze kung saan matrapik sa partikular na oras. Kaya magagawa mong makadaan sa mas mabilis na lugar patungo sa paroroonan.

Gayundin ang Google Maps kung saan nagamit namin nang husto kung nasa ibang bansa kami (gaya ng sa Korea) kung saan ‘di namin alam ang eksaktong paraan ng pagbiyahe. Susundan mo lang ang sinasabing dapat daanan at pati kung ano ang mas mabilis na sakyan ay ok ka na.

Ang isang app na madalas ko ring gamitin ay ang Google Translate noong nasa Hong Kong kami. Paano naman, ‘di mo alam basahin ang mga nakasulat sa karatula, kaya itatapat ko lang ang app, at maisasalin na agad ito sa wikang Ingles na setting ko.

Dahil may Grab sa iba’t ibang bansa sa Asia, magagamit mo rin ito sa pagbiyahe kung sadyang ‘di mo kayang lakarin. Sa U.S., Lift at Uber ang gamit namin. Sa Hong Kong, Uber ang uso.

Dahil na rin sa pagsasaayos ng aking kalusu­gan, ang Health app ng aking Huawei ay ginagamit ko sa pagbibilang ng ilang steps ko dahil nais kong makamit ang 10,000 steps sa isang araw.

Naisasaayos ko ang aking mga dokumento (Word, Excel, PDF, etc.) sa pamamagitan ng WPS app. Madali rin akong makapag-share ng files gamit ang Google Drive na mayroon ding hiwalay na app para madaling buksan sa smartphone.

Marami pang gamit ang apps sa smartphone, mula sa schedulder hanggang sa ‘Goodnight’ app na dala ng Google kung saan pinatutulog ako ng mala-bukid na tunog at iniisked­yul ang alarm sa paggising. Maging masinop lang at alamin ang mga apps na babagay sa ‘yo.

#4 Laptop

Ang gamit kong laptop sa araw-araw ay ang Macbook Air (13 inches). Magaan at maliit kasi ang laptop na ito at ‘di nag-down. May kamahalan man ay sulit talaga. Nilagyan ko ito ng Microsoft Windows at Office para kaya kong mai-sync ang aking laptop at PC, pati na rin ang aking smartphone.

Kung ikaw naman ay nasa larangan ng musika, magagamit mo sa pag-edit ng musika at video ang Macbook Air.

Sa Hong Kong, kung saan mahaba-haba ang biyahe at pananatili sa isang lugar, malaya akong nakahabol sa mga deadline ko gamit ang laptop. At dahil na rin sa magaan ito, kayang-kayang ilagay sa backpack.

Kaya sa pagbiyahe man sa ibang bansa o sa Filipinas, pumili ng makakasundong laptop.

#5 Wi-fi at Data

Balewala naman ang gadgets at apps mo kung wala kang koneksiyon sa wi-fi man o data habang nasa biyahe, ‘di ba? Dalawang payo ang dala ko sa inyo na siguradong pasado.

Ang una ay ang pagkuha ng SIM na aayon sa tagal ng iyong pananatili sa isang lugar, lalo na’t sa ibang bansa ito. Sa Hong Kong, Singapore, Korea at iba pa,  kumukuha kami ng isang local SIM sa mismong airport shops. May bundles dito na pang apat hanggang 10 araw. Napakamura ng mga ito at kadalasa’y may unli-data. Sulit talaga!

Ang isa pang super ganda ng serbisyo ay ang SkyRoam, lalo na noong nasa Europe at U.S. kami (pati sa Korea at Cam-bodia), maganda ang coverage nito. Gumagamit ng Satellite ang SkyRoam kaya ang data mo ay kayang suportahan.

Kumuha ka ng 24/7 na serbisyo sa ilang araw na pagbiyahe sa kahit na anumang parte ng mundo, basta sabihin mo lang din kung saan ka bibiyahe, ay ayos na.

Kapag via NAIA 3 ang pagbalik mo na pa­liparan, may drop box ang SkyRoam doon kaya ‘di mo na kailangang makipag-ugnayan sa kanila para maibalik ang device nila.

Puntahan mo lang ang website na https://bigskynation.com/ para makaarangkada ka na agad.

Pagtatapos

Bilang entrepinoy, wala tayong dahilan upang ‘di magampanan ang kaila­ngang trabaho o komunikasyon kahit saang lupalop ka mapadpad. Ang mahalaga, gamitin mo ang teknolohiya para maging episyente ang pakikipag-ugnayan sa mga kostumer man o tauhan mo.

Sa lahat ng bagay, magpasalamat ka sa Diyos!

o0o

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na [email protected].

Comments are closed.