MAGTATAYO NG GUSALI SUMUNOD SA BUILDING CODE — PHIVOLCS

Phivolcs

PINAALALAHANAN  ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang publiko partikular sa mga nagpapatayo ng mga bagong istruktura o gusali na sumunod sa building code.

Ito ay makaraang inspeksiyunin ang mga tauhan ng ahensiya ang mga lugar na apektado ng magkakasunod na lindol noong nakaraang linggo partikular sa bahagi ng Padada sa Davao del Sur.

At dito nadiskubreng wala namang fault na dumaraan sa lugar kung saan gumuho ang Southern Trade Mall sa pagtama rito ng magnitude 6.9 na lindol kamakailan.

Napag-alaman ng Phivolcs  na hindi naman gumuho ang una’t-ikalawang palapag nito, bagkus ay lumubog pailalim.

Nabatid na ang lupang pinagtitirikan daw pala nito ay mayroong mataas na tiyansa ng liquefaction.

Ito ay ang sinasabing paghina sa tatag o paglambot ng lupang pinagtatayuan ng mga istruktura.

Kaya’t, iminungka­hi ng Phivolcs sa mga pamahalaang lokal na higpitan ang pag-iisyu ng permits at magpatupad na rin ng pagmamarka sa mga faultline para mapagbawalan ang pagtitirik ng mga gusali rito.

Kahapon ng umaga, muling niyanig ang bahagi ng Davao del Sur na may lakas na magnitude 4.7 at naramdaman ang Intensity IV sa Bansalan; habang Intensity III naman sa Kidapawan; Intensity I sa Tupi, South Cotabato; Malungon, Sarangani; at Intensity I sa Alabel, Sarangani.