ANO ba talaga ang tamang hakbang na dapat gawin ng Pilipinas upang kahit paano ay mabawasan ang aggression at patuloy na Chinese ‘disrespect’ sa isyu ng West Philippine Sea (WPS)?
Kapirasong papel lang ang tingin ng China sa mahigit nang 400 diplomatic protest natin, at nangyayari, binabaligtad pa ang pangyayari — na tayo ang “nang-aagaw” ng mga teritoryo sa WPS, kasi, sabi ng Beijing, ang WPS na tinatawag nito na South China Sea (SCS) ay kanilang “pag-aari.”
Nitong nakaraang linggo lang nga, pinasabugan na naman ng China ng water cannons ang resupply mission natin sa nakabahurang barkong BRP Sierra Madre na naglagay sa peligro ng ating kababayan.
Gusto ni Sen. Francis Tolentino, pauwiin na sa Pilipinas ang ating Ambassador Jaime FlorCruz sa China para iparamdam ang ating pagkasuklam sa walang tigil na pambabastos, panggigipit at pagmamaliit sa atin ng Beijing.
Sabi ni Tolentino: “Let us temporarily recall our ambassador in Bejing. Let him return home to signal that what they did to our resupply mission to the BRP Sierra Madre was a huge disrespect.”
E “mabahala” naman kaya si Chinese Prez. Xi Jingping kung pauwiin si Ambassador FlorCruz sa bansa? Hindi sa palagay ko, kasi kung tinatrato tayo na kaibigan ng China, noon pa sana, natigil na ang pambabastos sa atin, at sana, nagmungkahi ito na pag-usapan nang maayos ang usapin sa WPS.
Kahit pauwiin pa, kahit pa isarado pa natin ang PH embassy, sa tingin ko, hindi sasapat ito para tumigil ang pambabalahura sa atin ng China, mas agresibo ring hakbang ang dapat natin gawin — ito ay upang iparamdam na ayaw natin, galit na tayo, at hindi papayag na maagaw ang ating soberenya sa ating teritoryo sa dagat sa WPS.
Atin, hindi sa China ang 200-nautical mile exclusive economic zone: ito ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa arbitral award noong 2016 — na patuloy na binabalewala ng Beijing.
Mungkahi ni Congressman Rufus Rodriguez, ang supply sa mga sundalong nagbabantay sa Sierra Madre ay bagsakan (mula sa eroplano o helicopter) ng mga supply.
O kaya naman, pag magdadala ng supply, samahan ng local at foreign media, eskortan ng mga barkong US at mga sundalong Kano na bahagi ng Balikatan Exercises natin, na ito ay bahagi ng ating Mutual Defense Treaty (MDT) sa America.
E, ang kontra ng iba, pagpapakita raw ito ng intensiyon natin ng kahandaan sa giyera, kasi, pag isinali ang mga sundalong Kano, pagpapainit ito lalo sa tensiyon sa agawan sa WPS.
Pero, ano ang ating ipangangamba, e atin ang WPS, e kung magpapakita tayo ng takot, lalo tayong aapihin ng China.
Katwiran ni Cong. Rodriguez na tungkulin ng ating Air Force at Navy personnel na bigyang proteksiyon ang mga sibilyang sakay ng mga bangkang nagdadala ng supply sa mga sundalo sa Sierra Madre, at kung sadyain pa ng China na harangin o paputukan ang ating eroplano o helicopter — na ayaw nating mangyari, ito na ang tamang panahon na hingin sa US ang tulong nila, ayon sa MTD.
Tutal, lagi namang sinasabi ng US military, at kailan lang, handa siya, sabi ni US Pres.Joe Biden na ipagtanggol ang Pilipinas sa tumitinding aggression sa WPS ng China.
Nagwarning si Biden, ayon sa Article IV of the MDT na ang anomang pag-atake sa eroplano at barko ng Pilipinas ay magiging dahilan ng US upang ipatupad ang pagdedepensa sa bansa natin.
o0o
Mas okay sa akin dear readers ang mungkahi ni National Unity Party president-Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte na imbes na matakot tayo, magkaroon na tayo ng joint maritime patrol ng US at ng kaalyadong Japan, Australia at iba pa sa WPS.
Pag ginawa natin ito, maipararamdam natin na seryoso tayo, at hindi tayo papayag pang bardagulin at maliitin ng China.
Kung patuloy tayong matatakot, walang mangyayari sa atin, at tama rito si Cong. Villafuerte na sabi niya, ang ginagawa ng China ay sadyang paghamak sa ating bansa, at paglabag sa international law.
Ngayon na ito dapat na gawin at patatagin ang ating depensa, palakasin ang ating external defense sa pamamagitan ng magkakasama, magkakasanig na patrolyang dagat ng US, Japan, Australia at iba pang bansang kakampi natin, ito ay upang mapanatili ang katahimikan, maayos na maritime passage sa Indo-Pacific region.
Kayang matapatan ng joint US at iba pang kaalyado ang 38 malalaking barko ng China na laging nambu-bully, bumubuntot, nanggigipit at naghahanap sa supply mission sa Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Okay rin na magsampa ng reklamo sa United Nations General Assembly, pero mahaharang lang ito dahil sa veto power ng China at ang makukuha lang natin ay ang simpatya ng mundo.
Isa pa, hingiin natin na tulungan tayo ng US at ng mga kaalyado na magtayo tayo ng ating sariling naval at base militar sa Ayungin Shoal at iba pang bahura natin sa WPS.
Patunay ng ating pag-angkin sa WPS kung maglalagay tayo, magtatayo tayo ng konkretong tanggulang naroroon ang ating pwersa naval, militar at mga kagamitang magbabantay sa ating teritoryo sa dagat.
Kayo, mga giliw nating tagasubaybay at mambabasa, mayroon kayong naiisip na magandang hakbang para sa ating depensa sa ating teritoryo sa WPS?
o0o
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected].