PORMAL nang nagsimula ang panahon ng tag-init, kaya naman kapansin-pansin na rin ang pagdagsa ng mga tao sa mga resort at mga mall upang magpalamig at mapawi ang init na dala ng panahon.
Ilang linggo pa lamang ang nakalilipas magmula nang ianunsiyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang simula ng tag-init ay nakapagtala na ng napakainit na temperatura ang ilang mga lugar sa Pilipinas katulad ng San Jose sa Occidental Mindoro na nakapagtala ng 47 degrees, at ang mga lugar sa Pangasinan, Albay, at Bukidnon na nakapagtala ng 41 degrees Celsius noong mga nakaraang araw. Pati ang Ninoy Aquino International Airport ay nakapagtala rin ng init na 40 degrees Celsius.
Dagdag pa ng PAGASA, aasahan din ang El Nino o tagtuyot mula sa Hunyo hanggang sa susunod na taon, kung kaya mariing pinaaalalahanan ang publiko sa pagtitipid ng tubig upang maiwasan ang epekto nito sa ating bansa.
Ang El Niño ay ang hindi pangkaraniwang pag-init ng panahon. Ang ibig sabihin din ay mas mahaba ang mararanasang init ng panahon kaysa sa karaniwang sitwasyon. Kung ating matatandaan, huli nating naranasan ang El Nino mula 2018 hanggang 2019.
Bilang paghahanda, pinayuhan ng mga water concessionaire, katulad ng Maynilad, ang mga customer nito na magtipid ng tubig dahil posible umanong magkaroon ng water service interruption na tatagal ng 19 na oras. Ayon sa kompanya, posible ang water interruption hangga’t hindi inaaprubahan ng National Water Regulatory Board (NWRB) na itaas ang water allocation nito sa 52 cubic meter per second mula sa 50 CMS sa kasalukuyan.
Siniguro naman ng Maynilad na patuloy ito sa pagrarasyon ng tubig sa 20,000 service connections upang mapanatili ang daloy ng tubig para sa siyam na milyong customers nito.
Nagbigay rin ang Maynilad ng ilang paalala kung paano makatitipid ang publiko sa paggamit ng tubig.
Ayon sa kompanya, mas mainam na gumamit na lamang ng timba at tabo sa ating pagligo, at limitahan ang oras ng pagligo upang maiwasan ang sobrang paggamit ng tubig mula sa gripo.
Kung magkaroon man ng mga leak ang mga tubo at faucet, mainam na ipaayos agad ito sa mga tubero upang maiwasang masayang ang tubig.
Panatilihin ding nakapatay ang mga faucet kung hindi naman ginagamit ang tubig.
Kung sakaling kailangang maghugas ng mga prutas at gulay na pinamili, mainam na linisin na lamang ang mga ito sa batyang may tubig sa halip na tubig na dumadaloy mula sa faucet.
Kapag natapos na ang paglalaba, mas mainam na iimbak na lamang ang tubig na pinagbanlawan ng mga damit at gamitin ito sa pag-flush ng inodoro. Makatutulong din ito sa pag-bawas ng konsumo ng tubig.
Sa paghuhugas, pinayuhan din ng Maynilad na ibabad muna sa batyang may tubig ang mga nagamit na plato, kutsara, at baso, kaysa isa-isahin itong linisin mula sa dumadaloy sa faucet.
Sa paglilinis naman ng sasakyan, mas mainam ding gumamit na lamang ng tubig sa timba upang mas makatipid.
Ilan lamang ito sa mga simpleng paalala ngunit kung ating iisipin ay napakalaki ng magiging epekto para sa atin. Nawa ay gawin natin ang ating papel upang hindi lamang tayo nakakatipid sa ating sariling konsumo, ngunit upang mapanatili rin ang suplay ng tubig para sa ating komunidad.