MAGTURO NG TAMANG PANGANGASIWA NG KAPERAHAN

rene resurrection

“ANG ibinabait ng pala­king bata, nasa magulang na nag-aalaga.”  “Ang kahoy na liko’t baluktot, hutukin habang malambot, pag lumaki at tumayog, mahirap na ang paghutok.”  Iyan ang mga katuruan ng mga naunang Filipino.  Mula noong unang panahon hanggang sa panahon ng mga Kastila sa Filipinas, ang pangunahing guro ng mga kabataang Filipino ay ang kanilang mga magulang.  Ang paaralan ay pangalawang tagapagturo lamang.  Pagdating ng mga Amerikano, nang mauso ang malawakang sistema ng paaralang pampubliko, ang mga guro ay nagkaroon ng mas mataas na edukasyon kaysa sa mga magulang.

Dahil dito, naging popular ang pagpasok ng mga bata sa mga paaralan.  Subalit sa kasalukuyang panahon, ang maraming mga magulang ay may mataas nang pinag-aralan.  Ang marami sa kanila ay mayroon pa ngang Master’s degree.  Katunayan, mas mataas na ang pinag-aralan ng maraming magulang kaysa sa mga guro sa paaralan  Kaya, lumalaganap at nauuso na ang tinatawag na home schooling o paaralan sa tahanan.  Kinikilala na ng gobyerno ang paaralan sa tahanan kapag nag-aplay ang mga magulang at napatunayang kuwalipikadong magturo.

Ang isa sa mahalagang aralin na dapat ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak ay ang wastong ­pangangasiwa ng kaperahan.  Ang isa pang magandang aralin ay ang matutunan ang propesyon o hanapbuhay ng mga magulang.  Mga kasanayang pangkabuhayan ang magandang pag-aralan.  Praktikal ang mga ito at may kinalaman sa pagtatagumpay sa buhay na ito.  Ang mga paaralan ngayon ay nagtuturo ng kung ano-anong mga aralin na walang gaanong paggagamitan para matamo ang isang maunlad at maginhawang pamumuhay.  Ito ang dahilan kung bakit parami nang parami sa mga kabataan ang bumibitiw at umaayaw nang pumasok sa paaralan dahil hindi nila makita ang paggagamitan nito sa kanilang pang-araw -araw na kabuhayan.

Walang makapapantay sa wastong pangangasiwa sa kaperahan sa lahat ng mga araling puwedeng pag-aralan.  Para maging epektibo ang mga magulang sa pagtuturo ng paksang ito, dapat sila mismo ay maging mahusay sa pangangasiwa ng pera nila. Kapag gastador ang mga magulang, magiging gastador din ang mga anak.  Kung matipid at marunong sa pera ang mga magulang, magiging matipid at marunong din ang mga anak.  Mas bata ang mga anak, mas mabuti.  Naalala ko na ang lola ko ay nagtuturo sa aming mga apo ng ugaling pagtitipid.  Wala siyang itinuro sa amin kundi ang mag-ipon.  Mabuting halimbawa siya.  Nagtapos lang siya ng high school, subalit dahil sa kanyang matinding pagtitipid, ang dami ng kanyang naging mga ari-ariang paupahan.  Iisa lang ang kanyang damit na saya na ginagamit sa lahat ng kanyang mga lakad.  Lagi siyang pumupunta sa Divisoria para doon mamili ng prutas sa panahon ng dagsa para bagsak presyo at nirarasyon-rasyon niya ito sa kanyang mga anak.  Nakatira kami sa isang compound na pagmamay-ari ng lola ko, lahat ng mga anak niya ay nakatira sa kani-kanilang kuwarto o bahay sa compound na iyon para makatipid sa gastos.  Ang paniwala niya, kapag nagkakaisa ang angkan, maraming gastos ay maiiwasan.  Dahil sa ugali niyang ito, nakaipon nang malaki ang aking mga magulang.  Naghuhulog din ang lola ko para sa lote para sa kanyang mga anak.  Dahil sa ipon ng magulang ko, nakapagpatayo sila ng sarili nilang bahay noong high school ako.  Lagi akong naghihilot sa kanya; ‘pag natapos na ako, nagbibigay siya sa akin ng pera para raw ilagay ko sa aking alkansya.  Bata pa lang kami ng mga kapatid ko, pinagbukas kami ng magulang ko ng savings account sa bangko para matuto kaming mag-ipon.

Nang magkaanak na ako, tinuruan ko rin ang mga anak ko.  Ibinili ko ang bawat isa sa kanila ng tatlong sisidlang plastic.  Ang turo ko, ang unang sisidlan ay lalagyan nila ng unang ikapu ng kanilang allowance para ibigay ito sa Diyos; ang ikalawang sisidlan ay lalagyan nila ng ­pangalawang ikapu ng kanilang allo­wance; para naman ito sa pag-iipon na palalakihin nang palalakihin. Ang ­pangatlong sisidlan ay para sa 80% ng kanilang allowance na gagamitin nila para sa mga pangangailangan nila sa paaralan.  ‘Pag napuno nila ang pangalawang sisidlan, dinodoble ko ang halaga bilang pabuya sa kanilang mahusay na ­pangangasiwa ng pera.  Nakita ng mga anak ko na kaming mag-asawa na magulang nila ay hindi maluho.  Hindi kami pala-bili ng kung ano-ano sa mga tindahan o mall.  Ang pagkain namin sa labas ay para lamang sa espesyal na okasyon gaya ng kapag may kaarawan ang isa sa amin.

Dahil sa katipiran naming mag-asawa, wala kaming utang, lagi naming nababayaran ang matrikula ng mga bata sa tamang oras, kaya hindi kami nagbaba­yad ng interes.  Hindi kami palagamit ng credit card.  Simple lang ang mga gamit namin sa bahay.  Noong una, naiinis ang mga anak namin dahil daw sobra ang aming katipiran.  Ngayong nagka-edad na sila, panay ang papuri nila sa aming estilo ng pamumuhay na naging dahilan ng kanilang maginhawang buhay.

Tandaan: sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.